Pa-bigas sa mga titser, 'wag nang patagalin
- BULGAR
- May 31, 2023
- 1 min read
@Editorial | May 31, 2023
Nanawagan ang grupo ng mga manggagawa sa edukasyon sa Department of Education (DepEd) at sa pambansang pamahalaan na bilisan ang pagpapalabas ng one-time rice allowance sa lahat ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Ang mga titser sa public schools ay may karapatan sa isang beses na 25-kilo rice allowance na ibinibigay ng pambansang pamahalaan sa lahat ng empleyado ng gobyerno ayon sa Administrative Order No. 2, s. 2022.
Kung matatandaan, ito ay nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. noong Disyembre, ngunit nananatiling hindi pa natatanggap sa karamihan ng mga rehiyon hanggang sa kasalukuyan.
Hinimok din ng grupo ang DepEd at ang pambansang pamahalaan na tiyakin na ang kalidad ng bigas na ibinibigay ay akma sa konsumo ng tao.
Una nang naiulat na may mga reklamo na ang bigas na ibinigay umano sa Nueva Ecija, Mindoro, at Bacolod City ay hindi nakakain.
Sana, hindi naman umabot pa ng Pasko ang pamimigay ng bigas. Hindi natin alam kung ano ang problema sa pagkaantala lalo kung may pondo naman.
Panawagan sa kinauukulan, pagtuunan sana natin ng pansin ang sistema. Huwag naman nating paasahin o paghintayin ang ating mga guro.



Comments