P92.8M ang kaso sa flood control... Bong, laya sa P1M

ni Mervin Reyes @News | August 1, 2026

Photo: File
Pansamantalang makakalaya si dating Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. matapos pagbigyan ng Sandiganbayan Third Division ang kanyang petisyon para sa piyansa kaugnay ng kinakaharap niyang kasong malversation.
Ayon kay Dennis Pulma, Clerk of Court ng Third Division, pinaboran ng korte ang aplikasyon ni Revilla para sa piyansa, ngunit ibinasura ang kahalintulad na kahilingan ng iba pa niyang mga kapwa akusado.
Itinakda ng korte ang piyansa ni Revilla sa P1 milyon.
Nahaharap si Revilla at ang kanyang mga kapwa akusado sa non-bailable na kasong malversation kaugnay ng umano'y ghost project na nagkakahalaga ng P92.8 milyon sa bayan ng Pandi, Bulacan.
Matatandaang paulit-ulit nang itinanggi ni Revilla ang anumang pagkakasangkot sa naturang anomalya at iginiit na wala siyang pananagutan sa sinasabing iregularidad.
Sa kabila ng pagpayag ng Sandiganbayan sa kanyang piyansa ay magpapatuloy pa rin ang paglilitis sa kaso, at ang pagbibigay ng piyansa ay hindi nangangahulugang napawalang-sala na siya sa mga ibinibintang laban sa kanya.





Comments