P86.8M nabubulok na isda, karne at prutas, buking sa cold storage facilities
- BULGAR

- Aug 19, 2023
- 1 min read
ni Mai Ancheta @News | August 19, 2023

Nabisto ang kilu-kilong nabubulok at nangangamoy na isda, karne at prutas matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs at Department of Agriculture ang 13 cold storage facilities sa Navotas City.
Tinatayang nasa P86.8 milyon ang halaga ng mga nasabat na mga bulok na isda at karne sa cold storage facilities na pag-aari ng Philstorage Corporation sa M. Naval St.
Ayon kay Dennis Solomon ng Department of Agriculture Inspectorate Enforcement, nasa 28,000 kilos ng bulok na karne ng kalabaw ang kanilang nakita sa warehouse na nagmula pa sa India, habang nasa 308,000 kilos ng iba't ibang uri ng isda gaya ng salmon, pampano, tuna, galunggong, scallops, pusit at fish fillet ang nangangamoy na rin umano.
Hindi pa kasama ang iba't ibang prutas.
Mayroong ipinakitang sanitary phytosanitary import clearance para sa mga prutas subalit susuriin pa ito ng mga awtoridad upang masigurong hindi recycled ang dokumento.
Sinelyuhan na ng BOC at DA angmga storage facility upang masigurong hindi na mailabas at maikalat pa ang mga nabubulok na isda at karne sa mga pamilihan.





Comments