P85M aid para sa apektado ng shear line, ibinigay ng DSWD
ni Lolet Abania | January 3, 2023

Nakapagpamahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ngayon ng nasa P85 milyong halaga ng tulong sa mga indibidwal na apektado ng mga pag-ulan at pagbabaha dulot ng shear line.
Ayon kay DSWD spokesperson Romel Lopez, nakapagbigay na ang ahensiya ng tinatayang P51.8 milyong halaga ng financial assistance sa mahigit 10,000 benepisyaryo at P34 milyong halaga ng pagkain at non-food items.
Aniya, ang mga ito ay nai-distribute sa Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at Caraga.
“Nasa higit P85 million na po ‘yung ating naipaabot na tulong. Kasama na po dito ‘yung mga family food packs, ‘yung mga non-food items natin, at siyempre po ‘yung higit P51 million na worth na financial assistance,” pahayag ni Lopez sa public briefing ngayong Martes.
Sinabi ni Lopez na may 159,487 pamilya o 638,897 indibidwal ang apektado ng pagbabaha dulot ng shear line sa Bicol Region, Visayas, at Mindanao.
“Sa kasalukuyan po, ‘yung mga kababayan po natin na nanatili po sa mga evacuation center ay nasa 33,639 na,” sabi ni Lopez.
Kaugnay nito aniya, ang ahensiya ay mayroong tinatayang P1.2 bilyon halaga ng standby funds para sa mga apektadong indibidwal.
“Well, sa ngayon naman po wala po tayong magiging problema dahil nakikita natin na sapat naman po ‘yung pondo ng DSWD,” ani Lopez.
“Sa katunayan, mahigit P1.2 billion pa po ‘yung kabuuang halaga ng ating mga stockpiles at ‘yung ating standby fund para magamit doon sa ating mga kababayan na nangangailangan,” dagdag ng opisyal.
Samantala, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes na nananatili sa 51 ang nai-report na nasawi dahil sa shear line rains at mga pagbaha.
Ayon sa NDRRMC, 13 sa mga namatay ang kumpirmado, habang 38 ay bina-validate pa.
Mayroon ding 19 indibidwal ang nai-report na nawawala, habang 16 naman ang nasugatan.





Comments