P720 kada kilo ng siling labuyo, oa na
- BULGAR
- Sep 15, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 15, 2023
Dahil sa mga nasirang plantasyon sa bansa, resulta nito ang sobrang taas ng presyo ng local chili o siling labuyo.
Batay sa Bantay Presyo ng Department of Agriculture (DA), ang retail price ng sili sa Metro Manila ay umabot na sa P500 hanggang P720 kada kilo.
Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), mahigit sa 100 ektarya ng chili plantation ang napinsala ng mga nagdaang bagyo.
Paliwanag ni BPI Deputy Spokesperson Henrick Exconde, majority ng production areas ay nasa Luzon na grabeng naapektuhan talaga ng bagyo, at iyon ang naging dahilan na mabawasan ang supply nito, masira ang planting areas, at walang masyadong ma-harvest na mga sili.
Sinabi ni Exconde na ang kabuuang pinsala ay umabot sa P7.8 milyon sa mga plantasyon ng sili.
Aniya pa, ang bansa ay nakabatay sa lokal na produksyon ng iba’t ibang sili na ito, kung saan hindi inaangkat.
Sa ngayon, naghahanap na ng paraan ang DA na maiugnay ang iba pang producers sa mga wet markets sa Metro Manila para mapababa ang presyo nito.
Halos walang humpay ang pagtataas ng mga presyo ng bilihin, pagkain at mga bayarin.
Masaklap pa nito, hindi lang basta konting dagdag-presyo, kundi sobrang taas na tila OA na, at ang dinadahilan ng kinauukulan ay kesyo binagyo, hindi pa panahon ng harvest at iba pang rason.
Panawagan natin sa kanila na sana naman ay kumilos at aksyunan na ang problemang ito, dahil hirap na rin ang taumbayan sa kabi-kabilang pasanin dulot ng tuluy-tuloy na pagmamahal ng mga presyo ng pagkain.
Huwag na sanang magpatumpik-tumpik pa dahil umaasa ang mga mamamayan na may magagawa namang paraan para mapigilan ang pagtaas pa ng mga bilihin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments