P7.4B gamot ng DOH na nasayang lang, talupan
@Editorial | September 10, 2023
Kamakailan nang ilabas ng Commission on Audit ang report kaugnay ng P7.4 bilyong halaga ng gamot at iba pang supply ng Department of Health na expired, mae-expire na at damaged.
Binigyang-diin naman ng DOH na normal lamang na mawalan ng mga gamot at iba pang suplay dahil sa shelf life ng mga ito. Ayon sa pamunuan ng ahensya, ang mga pagkalugi ay natatamo bawat taon.
Samantala, kasama sa ulat ng COA 2022 ang mga bakuna sa COVID-19 na sagana dahil sa procurement at mga donasyon.
Sa kabila ng sinasabing normal na may hindi na mapapakinabangan, sinabi naman ng DOH na tinitingnan nila kung paano mababawasan ang pag-aaksaya at pagkawala ng mahahalagang mapagkukunan bagama’t aminadong hindi madali ang pagpigil sa pagkalugi dahil sa mga ito.
Sabay hirit na mahalagang magkaroon ng labis na supply kaysa magkaroon ng kakulangan sa mga kinakailangang mga gamot para sa bansa.
Nauunawaan natin ang punto ng DOH pero hindi sa kaisipan na i-normalize ang pagkasayang ng mga gamot. Nakasaad sa Presidential Decree No. 1445 o ang Government Auditing Code of the Philippines, na ang lahat ng resources ng gobyerno ay dapat pangasiwaan alinsunod sa batas upang maiwasan ang pag-aaksaya. Kailangang tutukan ang procurement planning, maayos na distribution at monitoring system. Sana ay magkaroon ng pagkakataon na malaman kung nasusunod ba ang batas.
Marami ang problemado sa pagpapagamot dahil sa gastos. Kahit sinasabing may mga libreng ospital, kadalasan ay wala naman silang gamot na kinakailangan ng pasyente.
Maghahagilap pa rin ng pambili at ang mas masaklap, ito ay mga gamot na mataas ang presyo. Kung walang mauutangan o pahirapan ang paglapit sa mga ahensya ng gobyerno, ano na lang ang mangyayari sa pasyente?



Comments