P7.2-B COVID-19 allowance para sa healthcare workers, bilisan!
ni Ryan Sison - @Boses | February 20, 2022
Noong Huwebes, Pebrero 17, 2022, inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P7.2 bilyong One COVID-19 Allowance o OCA para sa healthcare workers (HCWs).
Ang nasabing halaga ay nakalaan para sa 526, 727 eligible public at private healthcare workers at non-HCWs na may kaugnayan sa COVID-19 response ang trabaho.
Sa naturang halaga, ang P4.50 bilyon ay para sa COVID-19 benefits ng nasa mahigit 100,000 DOH plantilla personnel sa mga pampublikong ospital, tanggapan at rehabilitation centers, kabilang ang mga military at state university hospitals. Habang ang natitirang P3.42 bilyon ay para sa 426,414 health workers na nagre-report sa mga local government units at pribadong health facilities.
Pero imbes na matuwa ang medical frontliners, dismayado ang mga ito at iginiit ng isang grupo na masasabing lugi sila dahil sa 1.7 milyon HCWs, 29% lang ang makikinabang dahil hindi lahat ay makatatanggap ng allowance.
Sa ilalim ng OCA, ang mga health workers na matutukoy na high risk sa COVID-19 ay makatatanggap ng P9,000 kada buwan, samantalang ang moderate risk ay P6,000 at ang low risk ay P3,000.
Paliwanag ng grupo, matagal nang airborne ang sakit, kaya dapat pantay-pantay ang pagbibigay ng allowance.
Sa totoo lang, malaking budget ito, pero ang tanong, sapat ba ito para tapatan ang pagod at sakripisyo ng health workers? Gayundin, lahat ba ay makatatanggap nito sa lalong madaling panahon?
Matatandaang nagkaroon ng isyu sa delayed na allowance at hangad nating hindi na maulit ito.
Isa pa, sana’y mapakinggan at tugunan din ang hinaing hinggil sa diumano’y hindi pantay na pagbibigay ng allowance.
Sa ganitong paraan man lamang ay maipakita at maiparamdam nating pinahahalagahan natin ang serbisyo at sakripisyo ng maraming medical frontliners.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments