P6.2 M puslit na yosi, nakumpiska, 7 suspek, dinakip – PNP
ni Lolet Abania | July 17, 2022

Nakakumpiska ang mga awtoridad ng mahigit sa P6.2 milyon halaga ng ipinuslit na sigarilyo sa ikinasang sea patrol operation sa baybayin ng Manalipa Island sa Zamboanga City, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Linggo.
Sa isang statement, sinabi ni PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. na pitong suspek na sakay ng isang motorized wooden watercraft o kilala sa tawag na “jungkong” ang dinakip ng pulisya nitong Sabado.
Kinilala ang mga suspek na sina Benzar Jajales, Pajing Muknan, Binbin Asiril, Elnejin Asiril, Minkadra Sakili, Sherwin Masakin at Adzmir Bakki.
Sa ginawang operasyon ng mga tauhan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company, Bureau of Customs (BOC), BOC-Customs Intelligence and Investigation Service at BOC-Enforcement Security Service nakasabat ang mga ito ng 178 master cases ng mga sigarilyo na may estimated market value na P6,230,000 mula sa mga suspek.
“No pertinent documents were provided when authorities asked them. Thus, the need to apprehend those persons. The confiscated items were turned over to the Bureau of Customs for proper disposition,” pahayag ni Danao.
Sinabi pa ni Danao, patuloy na magbabantay ang mga sea assets ng PNP bilang bahagi ng kanilang patugis sa mga masasamang elemento at kanilang mga ilegal na aktibidad.





Comments