P5M pampagawa ng bahay, na-scam ng babaeng contractor

ni Mervin Reyes @News | November 17, 2026

Photo: Circulated / NBI-CTD
Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babae na umano’y nagpanggap na contractor at nakakuha ng mahigit P5 milyon mula sa mag-asawang nais magpatayo ng kanilang dream house.
Dinakip ang suspek sa isang entrapment operation sa isang condominium sa Pasay City noong Nobyembre 11.
Ayon sa mga nagreklamo, nakipagkontrata sila sa suspek para sa pagpapatayo ng dalawang palapag na bahay na nagkakahalaga ng halos P9 milyon. Gayunman, matapos silang magbayad ng mahigit P5 milyon, wala pa ring nasisimulang konstruksyon kahit halos isang taon na ang lumipas.
Nanatiling bakante ang lote at tanging mga bunton lamang ng buhangin at graba ang makikita rito. Patuloy rin umano silang hinihingan ng karagdagang bayad ng suspek kahit walang malinaw na progreso sa proyekto.
Sa beripikasyon sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), napag-alamang hindi rehistrado at walang lisensya bilang contractor ang suspek.
Nang komprontahin ng mga mamamahayag, itinanggi naman ng suspek ang mga paratang at iginiit na hindi estafa ang kaso laban sa kanya.
Nagbabala naman si NBI Director Melvin Matibag sa publiko na tiyaking lehitimo at rehistrado ang mga contractor bago pumasok sa anumang kasunduan, at mag-ingat sa mga kahina-hinalang alok at hinihinging paunang bayad.
Nadawit din sa reklamo ang isa pang babae na umano’y kinakasama ng suspek at nagsilbing kahera sa mga transaksyon.
Kapwa nahaharap ang dalawang babae sa mga reklamo ng estafa at paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act.





Comments