top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

P58-B ang inilaan sa DENR… Bilyun-bilyong puno na proteksyon sana kapag may sakuna, nawawala?!

BULGAR
Nov 18, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 18, 2022


Nasaan na kasi ang mga puno? Kung naitanim sana ng maayos ang pinagbuhusan ng napakalaking pondo sa loob nang isang dekada, hindi sana nangyayari na rumaragasa ang putik at baha pababa ng kabundukan sa panahon ng malalakas na bagyo.


Nitong nakaraang linggo ay napakaraming lugar na biktima ng Bagyong Paeng ang ating personal na pinuntahan para dalhan ng tulong at bilang Chairperson ng Committee on Public Works ay isa-isa nating ininspeksyon ang mga nawasak na pampublikong imprastruktura.


Makailang ulit nating inikot ang iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular ang kabundukan na dapat siyang magsisilbing panangga natin sa kalamidad, ngunit dahil marami na ang kalbong bahagi ay may mga bundok pang unti-unti na ring ipinapatag.


Hindi pa kasali ang mga lugar na may mga tanim ngang puno, ngunit parang palito ng posporo na mga nakatumba na dahil sa pananalasa ng Bagyo Paeng at kitang-kita ko ito sa isinagawa naming aerial inspection.


Marahil ay napapansin nating tuwing huling quarter ng taon ay nakararanas ng matinding bagyo ang ating bansa at palaki nang palaki ang pinsala dahil kulang o halos wala nang punong magsisilbing panangga.


Nang sumabak ako sa relief operations at site inspection sa bahagi ng Mindanao ay iisa lang ang paulit-ulit na sinasabi ng ating mga kababayan—na halos kalbo na ang kagubatan at napakadalang na ng puno sa kabundukan.


Walang puwedeng tumutol sa pahayag ng mga naging biktima ng bagyo dahil karamihan ay nawalan ng tahanan at mahal sa buhay na ang iba ay hindi pa nakikita hanggang sa kasalukuyan.


Kitang-kita ang labis na epekto ng pagkaubos ng mga puno sa kabundukan dahil napakaraming pampublikong imprastruktura ang hindi na talaga mapapakinabangan pa dahil sa labis na pagkawasak.


Kaya ngayon ay nais kong pagtuunan ng pansin ang pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung paano nila tinutugunan ang napakatagal ng problemang ito na hindi lang kabuhayan ang winawasak kung hindi nalalagay pa sa balag ng alanganin ang buhay ng ating mga kababayan.


Kaya nagsumite ako ng resolusyon kamakilan na naglalayong atasan ang nararapat na komite sa Senado na magsagawa ng inquiry, in aid of legislation hinggil sa pagkadamay ng maraming bagay at hindi mapigilang pag-usbong ng mga negatibong epekto ng climate change.


Ito ay upang matiyak lamang ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino hinggil sa delikadong banta na dulot ng pagtaas ng frequency at intensity ng natural na sakuna at kalamidad na sa huli ay masiguro na magkaroon ng sistema at polisiya na mapaninindigan ang kaligtasan at katatagan.


Panahon na para pagtuunan ng pansin ang pag-aaral at seryosong paghimay sa mga detalye ng climate change at malaki ang maitutulong ng DENR kung seryoso nilang pagtutuunan ng pansin ang ilan sa mga pangunahing solusyon, tulad ng walang dayang pagtatanim ng mga puno.


Kaya nang sumalang tayo sa plenaryo para sa isinagawang budget hearing noong Miyerkules ay napakaraming katanungang nilinaw natin sa pamunuan ng DENR na isa-isa naman nilang sinagot bilang patotoo na ginagawa nila ang kanilang trabaho.


Ngunit tanong ang medyo hindi naipaliwanag ng maayos ng DENR nang tanungin ko kung saan-saan ba sila nagtatanim ng puno kasabay ng paghiling kung maaari bang magsagawa ng site inspection sa mga sinasabi nilang lugar na kanila nang tinaniman.


Hindi naman sa hindi ako naniniwala sa pahayag ng DENR ngunit nais ko lamang matiyak na tunay ang kanilang sinasabi dahil nakataya dito ang kaligtasan ng ating mga kababayan lalo na ‘yung mga nasa paanang bahagi ng kabundukan.


Umabot na sa P58 bilyon ang inilaan sa DENR para lamang sa mga punong dapat itinanim na simula pa noong 2012 at isang dekada na ang nakararaan pero hindi natin makita ang dapat 1.855 bilyong puno na inaasahang tumubo na sa kabundukan.


Ayon sa datos ng DENR, 78 porsyento sa mga itinanim na puno ay nabuhay naman at 22 porsyento lamang ang hindi nabuhay—kung ganun ay mayroon dapat tayong 1.45 bilyong puno sa kasalukuyan—kaso ang malaking tanong ay nasaan?


Dapat patunayan ng DENR kung nasaan ang 1.45 bilyong puno, dahil kung tutuusin ay wala na sanang kalbong kabundukan kung maayos itong naitanim ng DENR at hindi na sana malala ang nararanasan nating pagbaha.


Tulad niyan na sinasabi ng DENR na kalahati umano sa inilaang pondo para sa seedlings ay itinamin sa iba’t ibang protected areas—ngunit 14 ang legislated protected areas sa bansa kaya paano natin matutukoy kung aling bahagi ng mga ito ang nataniman.


Bilang mambabatas ay buo ang aking suporta para makuha ng DENR ang halos P2.5 bilyong budget para sa Forest Rehabilitation, ngunit dapat lang pagbutihin nila ang kanilang trabaho kung paano mabibigyan ng proteksyon ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng tamang pagtatanim ng puno.


Mabilis ang mga illegal logger sa bansa na siyang kumakalbo sa kabundukan at kagubatan na kung kulang ang kakayahan ng DENR ay masugpo ay mabuting bilisan na lamang nila ang pagtatanim—doble sa bilis ng mga illegal logger.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page