top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

P50K sahod sa pampublikong guro, inihirit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 15, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 15, 2024


Siguradong lalo pang sisipagin ang ating mga pampublikong guro dahil sa panukalang batas na magbibigay sa kanila ng P50,000 entry-level na suweldo na isinusulong sa Kamara.


Ito ang House Bill 9920 na inihain nina Makabayan bloc lawmakers France Castro ng ACT Teachers party-list, Arlene Brosas ng Gabriela party-list at Raoul Manuel ng Kabataan partylist.


Ayon sa mga may-akda, ang panukalang batas ay nagmumungkahi hinggil sa substantial salary increase o malaking pagtaas ng suweldo para sa mga guro ng pampublikong paaralan upang matugunan ang agwat sa pagitan ng kanilang mga suweldo at kanilang cost of living. Tutugon din ito sa tinatawag na distortion na nilikha ng pagdodoble ng entry-level pay ng militar at uniformed personnel.


Gayundin anila, iminumungkahi ng naturang panukala ang annual adjustment o taunang pagsasaayos ng mga suweldo ng mga public school teacher upang matiyak na ang mga ito ay nakasasabay sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay o cost of living.


Sinabi pa ng mga mambabatas na ang Salary Standardization Law (SSL) ng 2019 ay nabigong matugunan ang disparity o pagkakaiba ng mga suweldo sa pagitan ng mga low and middle-level salary grades, na binubuo karamihan ng mga civil service tulad ng mga guro, at iyong mga nasa managerial levels at lalo na ng mga matataas na opisyal.


Pahayag pa ng mga mambabatas, na sa kabila ng salary adjustment, hindi pa rin sapat ang buwanang sahod ng kahit mid-level personnel gaya ng mga guro sa pampublikong paaralan na Salary Grade 11 na tinatayang nasa 803,272 indibidwal na Teacher 1 hanggang Teacher 3 na posisyon, para matugunan ang family living wage na P33,570 kada buwan. Ang naturang halaga anila, ang mainam para sa isang pamilyang may limang miyembro upang magkaroon ng disente at makataong kalagayan ng pamumuhay.


Mabuti ang layunin ng ating mga mambabatas na mabigyan ng mas mataas na sahod ang ating mga titser na seryoso sa kanilang trabaho at tapat na nagtuturo sa ating mga kabataan.


Hindi lingid sa atin na mahirap talaga ang ganitong klase ng propesyon dahil kinakailangan nito ng pagsasakripisyo, pagtitiyaga at mahabang pasensya na hindi basta lang makapagturo.


Subalit, kung maging ganap na batas na ito kahit paano ay magawa nating tumbasan ang paghihirap ng ating mga guro habang mas magiging maayos ang kanilang pamumuhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page