top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

P50K multa at 10 yrs. kulong sa pasaway na lending company

BULGAR
Jan 9, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 9, 2023


Ilang taon na ang nakalilipas mula nang magsimula ang mga reklamo laban sa online lending company, ngunit hanggang ngayon ay nananatiling reklamo pa rin ang reklamo ng napakaraming biktima.


Ayon sa Department of Justice (DOJ) mas dumami pa umano ang report ng harassment na aabot na sa halos 5,000 ang unlawful debt collection simula taong 2020 hanggang bago matapos ang taong 2022 sa kabila ng may batas na laban sa cybercrime.


Ang Office of Cybercrime ng DOJ ay nakatanggap umano ng kabuuang 4,899 reklamo laban sa mga online lending company na karaniwang ginagawa umano ang harassment sa pamamagitan ng phone call o text messages.


Sa gitna ng isinasagawang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act ay tila mas dumoble pa ang pagsisikap ng mga online lending company na manghikayat ng mangungutang na tila hindi alintana ang paghahandang isinasagawa ng pamahalaan.


Kung inyong mapapansin ay kabi-kabila pa rin ang online lending platforms, naglipana sa internet ang mga apps na nanghihikayat na magbibigay ng loan sa madaling paraan hanggang sa mga oras na ito.


Kapag may-nag-inquire o kaya tumawag sa mga online lending company na ito ay makararanas na ito ng sunud-sunod na tawag at lahat ng magagandang alok ay kanilang ibibigay upang makumbinse lamang ang isang nagtatanong na tuluyan nang mangutang.


Karamihan sa mga nabibiktima ng mga sindikato ng online lending ay ‘yung mga kababayan nating gipit na gipit at nasa sitwasyon ng matinding pangangailangan kaya kapit sa patalim at pikit-matang kakagatin ang kanilang iniaalok.


Noon pa man ay ipinasasara na ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga natukoy ng online lending company dahil bukod sa walang mga lisensya ay santambak ang nagrereklamo, ngunit hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang mga ito.


Dati nang ipinasara ng SEC ang operasyon ng mga ito, pinatigil na ang pag-aalok nila at paglalagay ng mga advertisement hinggil sa kanilang lending business sa internet, ngunit hanggang ngayon ay naglipana pa rin ang mga sindikatong ito na tila mas dumami pa.


Sa mga lehitimong lending company, kapag hindi sila sumunod sa kautusan ng SEC ay maaari silang patawan ng multang P10,000 hanggang P50,000 o makulong ng anim na buwan hanggang 10 taon, pero paano naman papatawan ‘yung mga sindikato na ilegal ang operasyon.


Sa umpisa pa lamang ay mahahalata na agad na hindi transparent ang transaksyon at hindi nagbibigay ng sapat na impormasyon tungkol sa loan online ang mga sindikatong ito at higit sa lahat ay wala silang pakialam kahit lantaran nilang nilalabag ang right to privacy ng isang biktima.


Totoong napakabilis ng proseso, agad-agad ay makukuha mo na ang iyong inuutang ngunit bago mo matanggap ang kabuuan ng inyong pinag-usapan ay agad na kinakaltas ang 30%, bukod pa sa 2.5% hanggang 3% na tubo, araw-araw.


Hindi agad ito sinasabi ng mga sindikato ng online lending at magugulat na lamang ang biktima na gumagamit sila ng unfair debt collection practices tulad ng pambabastos sa pangongolekta, high pressure method of collection, misrepresentations at unreasonable terms and conditions.


Bago magpautang ang mga sindikato online ay kinukuha muna nila ang personal na impormasyon ng mangungutang na nakatago sa kanyang mobile phone, tulad ng contact numbers, Facebook account, email address at iba pa na siyang padadalhan ng mga nakasisirang mensahe sa oras na maantala ang pagbabayad.


Nand'yang, may nagbabanta na idedemanda, papatayin, gagahasain pati ang mga mahal sa buhay ay pagbabantaan at mga nakakahiyang mensahe na ipadadala sa mga kaibigan ng nangutang sa social media na hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natitigil.


Matindi ang epekto ng ganitong unfair collection practices dahil nagdudulot ito ng depression, sleepless nights, humiliations, health issues at may ilan nang napaulat na nagpatiwakal dahil sa hindi kinaya ang kahihiyan na hindi alintana ng mga sindikato online.


Bigo ang SEC na mapatigil ang sindikato ng online lending sa bansa, ngunit huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil ginagawan na ng paraan ng pamahalaan ang problemang ito sa pamamagitan ng SIM card registrations.


Bagama’t may pag-amin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na hanggang ngayon ay hirap talaga silang mahuli agad ang nasa likod ng talamak na text scam kaya malaking tulong umano ang isinasagawang SIM card registrations.


Sa kabila ng impormasyon na may mga nakapagpapalusot umano sa SIM card registration dahil isinagawa ito online at napaghandaan na umano ito ng mga sindikato ay mabuting kumalma sandali at bigyan natin ng pagkakaton ang hakbanging ito.


Suhestyon ng ilang opisyal sa PNP-ACG na gawing manu-mano tulad ng isinagawang registration sa national ID ang SIM card registration para wala umanong makapagpalusot.


Anu’t anuman ang mga mabubuting suhestiyon para wakasan ang problemang ito ay huwag kayong mag-alinlangan na iparating sa kinauukulan upang sama-sama nating labanan ang masasamang elemento online dahil bilang na ang araw ng mga sindikatong ito!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page