P4K ayuda sa displaced workers ng QCitizens – QC gov’t
ni Lolet Abania | August 30, 2022

Magpapamahagi ang lokal na gobyerno ng Quezon City ng financial assistance sa mga manggagawa na residente ng lungsod na nawalan at natanggal sa trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
“Naisip [naming] gawin ito sa dami ng nawawalan ng trabaho... Para sa lehitimong manggagawa na gusto talaga maghanapbuhay, na may pantawid lang sila,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte kasabay ng paglulunsad ng “Alagang QC” Pantawid Program na ginanap sa Risen Garden sa Quezon City Hall ngayong Martes.
Kabilang sa mga unang nakatanggap ng P4,000 ayuda bawat isa, ang 25 guro na nawalan ng trabaho matapos na magsara ang kontrobersyal na Colegio de San Lorenzo sa lungsod.
Magugunitang nagsara ang nasabing eskwelahan dahil ayon sa pamunuan nito, hindi umano naabot ang kanilang target na bilang ng mga enrollees para sa School Year 2022-2023.
Marami naman sa mga titser ang nagpasalamat sa tulong pinansyal na ibinigay ng QC government.
“Naghahanap kami ng work, pantawid lang, hanggang magka-opening sa Department of Education,” sabi ni Joseph Angelo Sevilla, isang Science teacher na 17-taong nagturo sa Colegio de San Lorenzo.
“Natutuwa kami kasi kami ang na-prioritize. Siyempre, makakatulong din ito in a way, pero maghahanap kami ng trabaho,” saad ni Aurora Salcedo, Music teacher ng nasabi ring paaralan.
Ang Alagang QC Pantawid Program ay isa sa mga proyekto ng lokal na gobyerno ng QC, kung saan mabibigyan ang mga displaced workers ng P500 kada linggo sa loob ng walong linggo o katumbas ito ng P4,000.
Kaugnay nito, may requirements na kailangan para makatanggap ng ayuda, kabilang dito ang sertipikasyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) na patunay na nawalan ng trabaho ang isang manggagawa na residente ng lungsod sa panahon ng pandemya.
Sinabi naman ni Belmonte na plano rin nilang maglunsad ng programa na magbibigay ng trabaho sa mga displaced teachers.
“Para sa lahat ng mga teachers na na-displace… Alam natin may education crisis, may ilulunsad kaming education recovery program dahil ayaw namin pabigat sa mga existing public schools. Naghahanap tayo ng mga guro para sa ating remedial schools,” saad pa ni Belmonte.





Comments