P40 umento sa sahod, kulang pa rin, dagdagan pa sana
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 17, 2023
Ipinatupad na kahapon (Hulyo 16) ang P40 minimum wage hike sa buong Metro Manila, ayon mismo sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagresulta sa pagkakahati-hati ng mga manggagawa.
Sa inilabas na pahayag ng NWPC, hindi na talaga napigil ang pagpapatupad ng bagong daily minimum wage sa kabila ng mga apela na isinumite ng iba’t ibang grupo ng manggagawa na nagsama-sama hinggil sa usaping ito.
Nailathala noong nakaraang Hunyo 30, ang Wage Order No. NCR-24 bilang bahagi ng pagpapatupad nito na nagsasaad na kailangan nang sundin ang kautusan, makaraan ang 15 araw, na ang daily minimum wage sa National Capital Region (NCR) na dating P570 ay magiging P610 para sa non-agriculture sector.
Mula naman sa P533 ay magiging P573 para sa agriculture sector; service at retail establishments na may trabahador na 15 o mas mababa; at mga manufacturing establishments na may mas mababa sa 10 regular na manggagawa.
Ngunit inaapela ito ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organization; Labor Alliance for National Development; Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon at Serbisyo; Pinagkaisang Lakas ng Manggagawa ng Manila Bay at ibang mga kaalyadong labor organizations.
Hindi man nating matatalakay isa-isa ang nilalaman ng kanilang apela ngunit malinaw na hindi na umano sasapat ang karagdagang P40 sa pang-araw-araw na gastusin dahil halos kasabay din nito ay ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin at iba pang gastusin.
May ilang manggagawa na ipinagpapasalamat na kahit paano ay nagkaroon umano ng P40 na dagdag-sahod. Hindi naman ito binabalewala ng ilang grupo ng mga manggagawa, kesa nga naman sa wala talaga -- ang sinasabi lang ng mga umaapela ay hindi na ito sasapat.
Hindi sa kinakampihan natin ang sektor ng mga manggagawa ngunit ramdam natin ang kanilang pagnanais na madagdagan pa ang kanilang daily minimum wage dahil sa hindi na sila makasabay halos na makapamuhay ng disente.
Hindi naman sila naghahangad ng labis maliban sa makaranas lamang ng maayos na pamumuhay tulad ng may sariling palikuran, gripong may lumalabas na tubig, may sariling kuryente, higaang ligtas sa pagbuhos ng ulan at hindi sumasala sa pagkain na tatlong beses sa isang araw kahit hindi magarbo.
Ganyan kasimpleng pamumuhay lang ang nais ng ating mga manggagawa dahil sa napakarami pa rin sa kanilang hanay ang miserable ang nararanasang buhay na hindi naman sumasapat ang kanilang kinikita kahit magkandakuba na sila sa paghahanapbuhay.
Ang kalagayan ng ilan sa mga manggagawang ito, ang nagtulak sa atin para patuloy na ipaglaban ang isinumite nating panukala na legislated nationwide across-the-board wage hike sa kabila ng pagpapatupad ng P40 minimum wage hike sa National Capital Region (NCR).
Pag-upong-pag-upo ko pa lamang sa Senado noong aking first term ay isa na sa agad kong isinumite ay ang tungkol sa legislated wage increase dahil sa labis nating naiintindihan ang kalagayan ng mga manggagawa.
Kahit silipin natin ang record ng Senado, isinumite natin ang SBN2179 para sa 14th Congress; SBN1981 noong 15th Congress; SBN937 noong 16th Congress; SBN71 noong 18th Congress; SBN2018 nitong 19th Congress at nag-iisa lamang ang inyong lingkod na author sa 16th at 18th Congress.
Ngayong 19th Congress ay nagsumite tayo ng proposal kasama si Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri na naghain din ng kanyang sariling bersyon hinggil sa naturang panukala at sa tingin ko ay malaking tulong ito para umusad ang ating panukalang batas.
Naniniwala ako na isa sa mga araw na darating ay makukuha natin ang tagumpay para sa karagdagang sahod na dekada na nating ipinaglalaban. Kaya nagpapasalamat ako kay SP Zubiri at mga kasamahan natin sa Senado dahil unti-unti ay nagkakaroon na ng linaw ang lahat.
Ang dating kislap lang sa dilim ay nagdulot na ng malaking liwanag dahil sa walang humpay nating pagpupursige at maging ang mga kapwa natin mambabatas, na unti-unti nang naliliwanagan sa ating nais mangyari patungkol sa mga manggagawa.
Ang mga manggagawa kasi ay ang backbone ng ekonomiya ng bansa, na kung hindi sa kanilang husay at kasipagan ay hindi uunlad ang mga negosyo, at wala tayo ngayon sa kung anong meron tayo lalo na sa paglago ng ekonomiya kung hindi natin sila kaagapay.
Napakalaki ng utang na loob natin sa mga manggagawa, at kahit ngayong ipinatupad na ang P40 wage hike sa NCR ay naniniwala akong kulang na kulang ito para sa pang-araw-araw na gastusin kaya tuloy pa rin ang pagsulong natin sa P150 na dagdag-sahod.
Buo ang aking pag-asa na makakamit natin ang matagal nang inaasam-asam ng mga manggagawa para kahit paano maibsan ang hirap na dinaranas sa kanilang hanay at ng mga mahal nila sa buhay.
Kapit-kamay lang at samahan natin ng matinding dasal dahil naniniwala ako sa kasabihang ‘walang matimtimang birhen sa taimtim na manalangin’.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments