P4.56B Confi at Intel Fund ng pangulo, maramdaman sana ng mga Pinoy
@Editorial | August 4, 2023
Humirit ang Office of the President (OP) ng P4.56 bilyong confidential at intelligence funds para sa taong 2024.
Mas mataas umano ito nang P120 milyon kumpara sa kasalukuyang pondo.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, may dagdag na confidential funds para sa Department of Information and Communications Technology, Anti-Money Laundering Council at Presidential Security Group.
Nasa P300 milyong pondo ang inilaan sa DICT para sa cyber programs.
Dinagdagan naman ng P50 milyon ang PSG para sa intelligence activities tuwing may biyahe sa labas ng bansa si Pangulong Marcos.
Paliwanag pa ni Sec. Pangandaman, kung titingnan ang trend, bumababa ang pag-increase sa confidential at intelligence funds ng gobyerno kumpara noong mga nakaraang taon.
Aniya, kung susuriin ang share sa kabuuang budget, bumababa ang inilalaang pondo sa confidential at intelligence funds.
Maaaring mas bumaba ang nasabing pondo para sa kanila pero sa mga ordinaryong tao, ito ay sobrang laki na. Hindi rin maiiwasan na magtanong ang taumbayan, saan kaya partikular na napupunta ang bilyun-bilyong pisong pondo? Dahil confidential, walang ‘resibo’, umaasa na lang ang publiko na nailalaan ito sa mga makabuluhang proyekto at programa na sana ay maramdaman ng lahat.
Maunawaan sana ng gobyerno kung gaano kahalaga ang bawat sentimo lalo na sa panahon na todo ang pagsisikap ng nakararami para makasabay sa non-stop na taas-presyo ng mga bilihin at singilin.
Sana, ang kabuuang pondo para sa susunod na taon ay magamit nang maayos at hindi mapunta sa kung kaninong bulsa, sana.



Comments