P398 M halaga ng kagamitan at sasakyan, natanggap ng PNP
- BULGAR

- Dec 6, 2021
- 2 min read
ni Lolet Abania | December 6, 2021

Nakatanggap ang Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes ng mahigit sa 3,800 piraso ng mga equipment na nagkakahalaga ng P398,219,400.
Pinangunahan ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos ang official commissioning ng mga naturang kagamitan ng pulisya sa Camp Crame, Quezon City, kung saan bahagi ito ng modernization program ng PNP.
Sa isang statement, iprinisinta ni PNP Bids and Awards Committee Chairman Police Major General Rodolfo Azurin Jr. kay Carlos ang 161 Patrol jeeps; 594 Tactical Vest Level 3A1,389 Upgrade Plates Level 4; 3,106 Undershirt Vest Level 3A; 10 units Rapid Deployment CCTV System (1 Lot) Assault Rifle; 22 units integrator na nakuha ng kapulisan.
Ayon sa PNP, ang mga bagong police vehicles, force protection, at IT equipment ay pinondohan sa pamamagitan ng supplemental appropriations para sa Capability Enhancement Program (CEPs) 2019, 2020, at 2021, Congress-Introduced Initiative Appropriation Balance 2018, at Operational Transformation Plan 2015.
Sinabi naman ni PNP Acting Director for Logistics Police Brig. Gen. Ronaldo Olay na ang mga patrol vehicles ay ilalaan sa iba’t ibang police stations sa buong bansa.
Paliwanag ni Carlos, ang mga kagamitang ito ang magpapalakas sa kanilang police patrol operations bilang bahagi rin ng pinaigting na seguridad sa mga komunidad sa panahon ng nararanasang krisis sa kalusugan.
Ang mga tactical at undershirt armor vests naman ay idi-distribute sa mga Provincial Mobile Force Companies at police stations, habang ang mga CCTV systems ay ibibigay sa mga Directorate for Operations, at ang mga integrators sa mga Police Regional Offices.
Pinasalamatan din ng PNP ang mga pribadong kumpanya para sa donasyon nilang personal protective equipment, medical products, at iba pang essential supplies sa mga police frontline units.




Comments