top of page
Search
  • BULGAR

P38.63B pondo para sa allowance ng mga guro, aprub

@Editorial | October 07, 2023


Kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day kamakalawa, inanunsyo ng Department of Budget and Management na naglaan ng dagdag-allowance sa mga guro.


Ayon sa ahensya, P38.63 bilyong pondo para sa career advancement at allowance ng mahigit 900,000 na titser sa mga pampublikong paaralan ang inaprubahan. Kukunin ang pondo sa 2024 National Expenditure Program (NEP).

Layunin nitong maibsan ang hirap ng mga guro sa sitwasyon sa trabaho, sa ilalim ng Programs, Activities, Projects (PAPs) ng Department of Education (DepEd).

Hindi naman maitatanggi ang napakahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng kaisipan ng kabataang Pilipino. Bago pa magtagumpay ang anumang propesyon, kailangang dumaan muna sa mahabang proseso at ang katuwang dito ay ang mga guro.


Sila ang masasabing may kapangyarihan para ihanda ang mga kabataan sa hinaharap.


Kaya umaasa tayo na sila ay laging handa at matatag sa pamamagitan ng suporta mula sa gobyerno.


Hindi lang pangangailangan ng mga guro ang dapat tutukan kundi maging ang mga eskwelahan kung saan nila itinatawid ang edukasyon.


Batid naman natin na hanggang ngayon ay marami pa ring kakulangan sa mga pasilidad na isa sa mga nakaaapekto sa pagtuturo at pagkatuto.


Sana sa susunod na taon, sa pamamagitan ng pondong hinimay at talagang pinagtalunan nang husto ay matutugunan na ang mga pangangailangang ito.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page