P36M smuggled na mga sibuyas, nakumpiska sa Misamis Oriental – BOC
ni Lolet Abania | August 12, 2022

Umabot sa P36 milyong halaga na mga puslit na produktong agrikultura ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa Mindanao International Container Terminal Port sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Sa isang statement ngayong Biyernes, ayon sa BOC nasa 12 containers ng puti at pulang sibuyas, kung saan misdeclared bilang “Spring Roll Patti” at “Plain Churros,” ang nasabat ng mga Customs officials nitong Huwebes, Agosto 11.
Anang BOC, dumating sa bansa ang freight goods mula sa China at consigned ito sa isang Frankie Trading Enterprises and Primex Export and Import Producer.
Agad na nag-isyu si District Port Collector Elvira Cruz ng Pre-Lodgement Control Orders laban sa shipments matapos na makatanggap ng impormasyon hinggil sa posibleng misdeclaration ng mga agricultural products.
“Warrants of Seizure and Detention would be issued against the containers for violating Republic Act (RA) 10863 or the ‘Customs Modernization and Tariff Act’, and RA 10845 or the ‘Anti-Agricultural Smuggling Act’,” pahayag pa ng ahensiya.
Samantala, nitong Miyerkules nai-report din ng BOC na nakaharang sila ng tinatayang P701.82 milyong halaga ng smuggled agricultural products sa mga ports sa buong bansa mula Enero hanggang nito lamang Agosto.





Comments