top of page
Gary V. - IG.jpg

P30K multa at bawi-lisensya sa pasaway sa EDSA bus lane

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 7, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | November 7, 2023


Mahaharap na sa mas mabigat na parusa ang sinumang motorista na gagamit ng EDSA bus lane.


Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), aabot sa P30,000 multa ang ipapataw sa mga pasaway na pribadong motorista na papasok sa naturang bus lane simula November 13, 2023.


Nauna nang inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon na nagdaragdag ng penalty sa mga gagamit ng exclusive city bus lane o bus carousel lane sa kahabaan ng EDSA.


Sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002, ang itinaas na multa sa maaaring paglabag sa parehong public at private vehicles ay para sa first offense, P5,000; second offense, P10,000 at isang buwang suspensyon ng driver’s license, at kinakailangang sumailalim sa isang road safety seminar; third offense, P20,000 at isang taong suspensyon ng driver’s license; at fourth offense, P30,000 at ang rekomendasyon sa Land Transportation Office (LTO) para sa pagbawi o revocation ng driver’s license.


Sinabi ni MMDA Chairperson Romando Artes, na base sa kanilang datos at obserbasyon, may mga handang magbayad ng P1,000 na multa at lumalabag sa exclusivity ng naturang bus lane dahil kayang-kaya nila itong bayaran. Kalimitan pa aniya, kotse ng mayayaman ang mga dumaraan dito.


Gayunman ayon kay Artes, bago ang full implementation ng adjusted penalties, magsasagawa muna ang MMDA ng mga information campaigns para malaman ng publiko ang itinaas na multa sa nasabing paglabag.


Mahusay ang desisyon ng kinauukulan na patawan ng mas mataas na multa ang mga pasaway na motorista na daraan sa EDSA bus lane.


Ilang beses na rin kasi ang mga panawagan na exclusive lamang ang lane sa mga bus pero sadyang may mga matitigas ang ulo at pilit na pumapasok dito. Katwiran ng mga motorista, kaya naman nilang magbayad ng multa kaya okey lang na dumaan sa EDSA bus lane.


Kaya tuloy madalas ang mga naire-report na aksidente at banggaan ng mga sasakyan dito.


Pero, sa ipatutupad na penalties ng kinauukulan sa sinumang lalabag, tiyak na mangingimi nang dumaan dito ang mga motorista dahil sa sobrang taas ng multa at posible pang tuluyang bawiin ang kanilang lisensya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page