P300M ayuda, naibigay sa mahihirap na estudyante – DSWD
ni Lolet Abania | August 28, 2022

Nasa tinatayang P300 milyong educational assistance ang naipamahagi na sa mga mahihirap na estudyante matapos ang dalawang Sabado na distribusyon nito, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“P168 million ang naibigay as of 8 a.m. today (Sunday-August 28),” pahayag ni DSWD Erwin Tulfo.
“Ang na-serve ay nasa 66,000 to 68,000 na mga estudyante. So kapag pinagsama po ‘yung kahapon at noong isang Sabado, nasa P300 (million) plus na,” dagdag niya.
Una nang inanunsyo ng DSWD na aabot sa tatlong estudyante kada mahihirap na pamilya ang makatatanggap ng cash aid na nagkakahalaga ng P1,000 para sa elementary students, P2,000 para sa high school, P3,000 para sa senior high school, at P4,000 para sa tertiary student na naka-enroll sa college o technical-vocational school.
Aabot sa 400,000 indigent students ang inaasahang mabebenepisyuhan ng educational cash support kung saan P1.5 bilyon ang inilaan para sa programa.
Matatandaan na ang unang araw ng distribusyon para sa educational cash aid ay nagdulot ng pagkalito o confusion at mahabang pila ng mga dumagsang estudyante at mga magulang sa main at regional offices ng DSWD.
Gayunman nitong Sabado, sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Rommel Lopez na ang pamamahagi nationwide ng educational aid ay naging maayos, maliban sa isolated hitches sa ilang mga lugar.
Ang financial assistance ay available sa DSWD central, regional, provincial, at ibang local offices simula Agosto 24 at tuwing Sabado hanggang Setyembre 24, 2022.
Para sa mga nagnanais na makatanggap ng cash assistance, pinapayuhang mag-register online o mag-email sa DSWD sa ciu.co@dswd.gov.ph.
Maaari ring bisitahin ng mga aplikante ang DSWD website at social media accounts para sa iba pang mga detalye.





Comments