P26.1-B 2023 budget ng kongreso, dapat bantay-sarado
@Editorial | November 19, 2022
Umaabot sa P26.1 bilyon ang inilaang pondo para sa Kongreso sa susunod na taon.
Sa alokasyon, P8.7 bilyon ang sa Senado, P311 milyon sa Senate Electoral Tribunal, at P875 milyon sa Commission on Appointments.
Samantala, P16 bilyon naman sa Kamara, P230 sa House of Representatives Electoral Tribunal.
Isa umano sa mahahalagang napaglaanan ng pondo ay ang P82 milyon para sa pagbuo at operasyon ng 2nd Congressional Commission on Education. Mandato umano nitong pag-aralan ang kabuuan ng sistemang pang-edukasyon sa bansa at gumawa ng mga rekomendasyon para mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa at ang sistema.
Kaugnay nito, walang ibang inaasahan ang taumbayan kundi ang magamit nang maayos ang pondo. Masulit ang bawat sentimo, mapunta sa epektibong programa, proyekto, makabuluhang mga batas at hindi sa bulsa ng mga kurakot.
Kaya dapat maging aktibo ang lahat, alamin din natin kung saan nga ba napupunta ang pondo ng bayan.
Sa panahon ngayon na talagang sagaran ang budget at halos utang-utang na naman tayo, hindi dapat magpabaya.
Panawagan sa mga mambabatas, maging mas matalino at tapat. Sa halip isipin kung paano mapagkakakitaan ang kaban ng bayan, ang alalahanin natin ay kung paano magagampanan ang tungkulin na ating ipinangako sa mamamayan.
Hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong mapunta sa inyong posisyon, marami ang gustong magserbisyo pero walang sapat na pondo, ang meron lang ay kagustuhan na makatulong.
Kaya nasa inyo sa gobyerno ang pagkakataong maitawid sa mamamayan ang higit na pagtulong at suporta.



Comments