P25-B health insurance, tiyaking makakarating sa mahihirap
@Editorial | May 26, 2023
Ngayong tumataas na naman ang kaso ng COVID-19 at dumadami ang naoospital, mas nararamdaman lalo ng mahihirap ang kakapusan.
Mayroong mga pasyente na halos ayaw nang magpatingin sa doktor dahil sa takot hindi sa sakit kundi sa gastos.
Batid naman natin na kahit pa sabihing may mga pampublikong ospital, hindi naman ibig sabihin ay libre na ang lahat. Kailangan pa ring gumastos sa laboratory at gamot. Paano kung talagang walang pera, tengga na sa ospital at hintayin na lang na lumala ang kondisyon?
Kaya itong report na inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P25.16 bilyon para tustusan ang isang taong health insurance ng 8.4 milyong mahihirap na Pilipino ay napakalaking tulong.
Kaugnay nito, may itinakdang pamantayan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung sino ang mga dapat masakop sa health insurance, gaya ng mahihirap na Pinoy na walang pinagkakakitaan o kaya ay hindi sapat ang kinikita para sa pamilya.
Nauna nang nagpalabas ang DBM ng mahigit P42.8 bilyon para naman sa isang taong health insurance premiums ng mahigit 8.5 milyong senior citizens sa buong bansa.
Umaasa tayo na ang bawat sentimo na galing din sa pondo ng taumbayan ay mapakinabangan ng mga nangangailangan.



Comments