P236.3B benefit disbursement ng SSS
- BULGAR
- Dec 30, 2022
- 2 min read
ni Fely Ng @Bulgarific | December 30, 2022

Hello, Bulgarians! Ang Social Security System (SSS) ay naglabas ng kabuuang P236.3 bilyon na benepisyo mula Enero hanggang Nobyembre 2022, pagtaas ng 13.2% mula sa P208.8 bilyong benepisyo na naitala para sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni SSS President at CEO Michael G. Regino, na ang pagtaas ng mga pagbabayad ngayong taon ay bunsod ng pagtaas ng bilang ng mga benefit claim, bilang ng mga miyembro at pensyonado at halaga ng mga inilabas na benepisyo para sa retirement, disability at death. “For the first 11 months of 2022, we have received 4.58 million benefit claims. This is 7.3% higher than the 4.27 million benefit claims we received for the same period last year,” pahayag ni Regino.
Noong 2017, ang SSS ay nagbigay ng P1,000 karagdagang buwanang benepisyo para sa mga pensyonado alinsunod sa Memorandum mula sa Executive Secretary na may petsang 22 Pebrero 2017, sa pamamagitan ng awtoridad ng Pangulo ng Pilipinas. Samantalang noong 2019, ipinatupad ang Republic Act (RA) No. 11199 o ang Social Security Act of 2018, bukod sa iba pang probisyon, nagpalawak ang SSS ng mandatory membership coverage, ipinakilala ang Unemployment Benefit Program at Workers’ Investment Savings Program (WISP) at tinaasan ang minimum at maximum monthly salary credit (MSC).
Sa parehong taon, ipinatupad ang RA No. 11210 o ang 105-days Expanded Maternity Leave Law, na nagpapataas ng bilang ng mga araw na may bayad ang maternity leave, mula 60-days para sa normal na panganganak at 78-days para sa cesarean section delivery, hanggang 105-days para sa buhay na panganganak (normal or cesarean section delivery), kasama ang karagdagang 15-days kung ang babaeng manggagawa ay kuwalipikado bilang solo parent. Pinalawig din ng batas ang maternity leave sa bawat pagkakataon ng pagbubuntis, miscarriage o emergency termination of pregnancy (ETP), anuman ang dalas, mula sa nakaraang limitasyong first four deliveries or miscarriages.
“With all these changes, we were able to disburse P1.20 trillion benefits through 23.87 million claims in less than six years, specifically from January 2017 to November 2022,” dagdag ni Regino.
Mula Enero 2023, tataas ng 1% ang SSS contribution rate, na magiging 14% mula sa dating 13%. Ang bahagi ng employer sa kontribusyon ay tataas sa 9.5%, habang ang bahagi ng empleyado ay mananatili sa 4.5%. Ang self-employed, voluntary at land-based Overseas Filipino Worker member, sa kabilang banda ay sasagutin ang 1% increase. Ang minimum at maximum MSCs ay tataas din mula P3,000 hanggang P4,000 at P25,000 hanggang P30,000, ayon sa pagkakabanggit.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



Comments