P200 buwanang ayuda, nagpapakita na maliit ang tingin ng Palasyo sa maralita
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 18, 2022
SABI NI SARA WALA RAW SILANG IWANAN NI MARCOS, PERO HINDI INIMBITAHAN SI BBM SA PAGTITIPON NG MGA SARA SUPPORTERS? — Sabi ni vice presidential candidate, Mayor Sara Duterte ay wala raw silang iwanan ng ka-tandem niyang si presidential candidate, former Sen. Bongbong Marcos, pero sa idinaos na "meet and greet" ng kanyang mga taga-suporta/ na idinaos sa Cuneta Astrodome sa Pasay City, ay hindi raw invited si BBM (Bongbong Marcos).
Kung wala kasing iwanan, ay dapat kahit mga tropang green lang ang nag-organize ng pagtitipong ito ay dapat hindi pumayag si Sara na hindi kasama sa "meet and greet" na ito ang kanyang ka-tandem na si BBM.
Sa totoo lang, hindi man aminin, ay tiyak masakit sa damdamin ni Marcos ang "meet and greet" ni Mayor Sara sa kanyang mga tagasuporta, kasi todo-kampanya siya sa BBM-Sara tandem, tapos tablado siya ( Bongbong) sa mga Sara supporters, boom!
◘◘◘
NAKA-ISKOR SI ISKO VS. MARCOS — Sumagot na ang BIR (Bureau of Internal Revenue) sa sulat sa kanila ni presidential candidate Mayor Isko Moreno na humihiling na isapubliko kung may utang na P203 billion estate tax ang pamilya Marcos o wala, at ang tugon dito ng BIR ay mayroon at noong December 2, 2021 ay inabisuhan na raw nila ang Marcos family na bayaran ang utang na estate tax.
Dahil kinumpirma ng BIR na may utang ngang P203-B estate tax ang pamilya Marcos, masasabing naka-iskor dito si Isko, period!
◘◘◘
P200 MONTHLY TULONG SA BAWAT MARALITANG PAMILYA PAGPAPAKITA NA MALIIT ANG TINGIN NG MALACAÑANG SA MAHIHIRAP NA PILIPINO — Inaprubahan ni P-Duterte ang proposal sa kanya ng Dept of Finance (DOF) at NEDA (National Economic Development Authority) na huwag suspendihin ang excise tax sa langis at bigyan na lang ng P200 monthly ayuda ang kada pamilya ng mga mahihirap na mamamayan.
Mantakin n'yo, sa panahon ng krisis dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na umepekto na sa pamumuhay ng mga Pinoy dahil tumaas na rin ang presyo ng mga bilihin at bayarin, ay P200 monthly lang sa bawat isang mahirap na pamilya ang itutulong ng gobyerno.
D’yan makikita na masyadong maliit ang tingin ng Malacañang sa mahihirap nating mga kababayan, tsk!
◘◘◘
DAHIL SA KUPAD MAGDESISYON NG PAMUNUAN NG PDP-LABAN, MGA KAPARTIDO NILA SA LOCAL KUMUHA NA NG KANILANG MGA ‘MANOK’ SA PRESIDENTIAL ELECTION — Sabi ng PDP-Laban na partido ni P-Duterte ay sa March 25, 2022 na raw nila iaanunsyo kung sino sa mga presidentiables ang bet ng kanilang partido.
Hay naku, buti kung may sumunod pa sa kanila na mga kapartido nila, kasi sa totoo lang, dahil sa kupad magdesisyon ng partidong ito ng Presidente, ay nagpasya na ang ibang miyembro ng PDP-Laban na kumuha na ng kanilang mga ‘manok’ sa eleksyon.
May mga nag-endorso kay Vice Pres. Leni Robredo, may mga nag-endorso kay BBM, at may mga nag-endorso kay Sen. Manny Pacquiao, boom!





Comments