P2 M assistance, naipamahagi sa mga lugar na hinagupit ni ‘Karding’ – DSWD
ni Lolet Abania | September 27, 2022

Mahigit sa P2 milyon halaga ng assistance ang naipamahagi sa ngayon sa mga lugar na apektado ng hagupit ng Bagyong Karding, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong Martes.
Sa interview ng GMA News, sinabi ni DSWD spokesperson Romel Lopez na ang P1.7 milyong halaga ay nagmula mismo sa DSWD, habang P876,000 naman ay galing sa local government units (LGUs) at iba pang partners.
Nitong Lunes, ayon kay Lopez, ang P1.1-billion budget ay inilaan ng DSWD para sa kanilang disaster response at para magbigay ng assistance sa mga apektado ni Karding.
Binanggit naman ng opisyal na ang relief at assistance efforts ng DSWD ay kasalukuyang nakatuon sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, National Capital Region (NCR), at Cordillera Administrative Region (CAR).
Aniya pa, humigit-kumulang sa 249,000 family food packs ang kanilang inihanda para ipamahagi sa mga naturang lugar.
Sinabi rin ni Lopez na magbibigay sila ng P5,000 hanggang P10,000 cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng ahensiya para sa mga indibidwal na napinsala ang kanilang mga tirahan dahil sa bagyo.





Comments