ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 12, 2024
MULA SA P550 TERMINAL FEE, MAGIGING P950 NA ANG TERMINAL FEE SA NAIA NEXT YEAR -- Inanunsyo ni Sec. Jaime Bautista ng Dept. of Transportation (DOTr) na next year ay magtataas na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng terminal fee sa mga pasahero, na ang kasalukuyang P550 terminal fee ay magiging P950 terminal fee sa susunod na taon sa kadahilang sa gagawing rehabilitasyon ng kumpanyang San Miguel Corporation (SMC) sa main gateway ng paliparan.
Sa laki ng budget ng DOTr ngayong taon na nasa P214.3 bilyon ay kayang-kaya naman ng kagawaran na badyetan ang pagpapagawa ng main gateway para hindi na mataasan ang terminal fee, kaya lang mas gusto yata ng Marcos administration na pinahihirapan ang mamamayan kaya pribadong kumpanya pa ang kinuhang gumawa na ang dulot ay dagdag-pahirap na P400 terminal fee, kaya next year, P950 na ang terminal fee na babayaran ng mga pasahero, tsk!
XXX
KUNG TOTOONG ABOGADO NGA SIYA NG POGO, NUKNUKAN NG SINUNGALING SI HARRY ROQUE -- Sinupalpal ni Sen. Risa Hontiveros ang sinabi ni former presidential spokesman Harry Roque na hindi raw siya (Roque) lawyer ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na Lucky South 99, dahil ayon sa senadora ay may mga ebidensya na abogado siya ng POGO.
Kung totoo ang sinabi ni Hontiveros, nuknukan talaga ng sinungaling itong si Roque, period!
XXX
KAPAG NAPATUNAYANG SANGKOT SI ROQUE SA POGO, SELDA ANG BAGSAK NIYA -- Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ay may mga nakuha silang ebidensya na nag-uugnay kay Harry Roque sa ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Kaya kapag napatunayang sangkot sa illegal na operasyon ng POGO si Roque, kulong ang bagsak niya, abangan!
XXX
ANG LUMAKI SA FARM NA SI ALICE GUO, TATANDA SA KULUNGAN -- Sa Senate hearing ay lumabas ang mga matibay na ebidensya na nagsasangkot din kay suspended Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac sa mga criminal activities ng POGO hub at pamemeke niya ng mga dokumento para baguhin ang kanyang pagkatao, na mula sa pagiging Chinese national ay nagpanggap siyang Filipino citizen.
Kaya ang mga palusot ni Alice Guo na lumaki siya sa farm, kapag guilty ang naging hatol sa kanya ng korte, tatanda siya sa kulungan, boom!
Comments