P1K incentive, ibibigay sa mga guro sa National Teachers’ Month — DepEd
ni Lolet Abania | September 8, 2022

Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) na makatatanggap ang mga guro ng P1,000 incentive bilang bahagi ng selebrasyon ng National Teachers’ Month.
Ito ang inanunsiyo ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa sa isang press conference ngayong Huwebes, kung saan gagawin nila ang nasa probisyon ng World Teacher’s Day Incentive Benefit (WTDIB) para sa mga kwalipikadong public school teachers.
“Yes po. We will continue with the P1,000 incentive para sa pagpupugay sa ating mga teachers,” saad ni Poa.
Ang National Teachers’ Month ay ipinagdiriwang mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5. Ginanap naman ng ahensiya ang kick-off ceremony nitong Setyembre 6.
Sinabi rin ni Poa na ang DepEd ay magsasagawa ng programa para sa mga educators sa National Teachers’ Day na gagawin sa Oktubre 5.
Sa ginanap na okasyon ng National Teachers’ Month nitong Martes, pinuri ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ang mga guro sa kanilang mga sakripisyo at pagsisikap na makapagbigay ng edukasyon sa mga kabataan, kahit na ito aniya ay mapa-in-person o online.
Ayon kay VP Sara, bilib siya sa lakas at tatag ng mga puso ng mga guro habang nahahanap ng mga paraan para mai-deliver ang mga modules, tumulong na mag-facilitate sa mga community learning hubs, at magbigay ng karagdagang learning resources sa mga bata sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng sektor ng edukasyon dahil sa pandemya.





Comments