P1B ‘areglo’ sa missing sabungeros, ibinulgar
- BULGAR

- May 26
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | May 26, 2026

Photo: File / PNP-CIDG
Isiniwalat ng isang grupo ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero ang umano’y tangkang “areglo” na nagkakahalaga ng P1 bilyon kapalit ng pagbasura sa kaso ng missing sabungeros.
Sa press conference sa Calumpit, Bulacan, itinanggi ng grupo na sangkot sila sa anumang negosasyon o pagtanggap ng pera mula sa kampo ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Sa halip, itinuro nila ang ilang personalidad kabilang sina Dianne Loyola, Cha Lasco, at Jaja Peralta bilang umano’y nasa likod ng sinasabing pakikipag-areglo. Malapit umano ang mga ito kay Julie “Dondon” Patidongan.
Ayon kay Ryan Bautista, isa sa mga kaanak ng missing sabungeros, hindi na umano sila isinama sa mga usapan kaugnay ng kaso, ngunit sila pa umano ang pinagbibintangang tumanggap ng malaking halaga ng pera.
Nauna nang humarap sina Loyola at Cha Lasco sa Napolcom kaugnay ng umano’y alok na pera mula kay Atty. Caroline Cruz, isa sa mga abogado ni Ang. Sa mga naunang pahayag, inamin ni Cruz na nakipagkita siya sa grupo nina Loyola at nagbigay ng tig-P20K bilang personal na tulong, ngunit itinanggi niyang P40K bawat isa ang ibinigay gaya ng alegasyon.
Nanawagan naman si Aurelio Panaligan sa Department of Justice (DOJ) na paigtingin ang imbestigasyon at isama sa kaso sina Patidongan at mga kapatid nitong sina Elakim at Jose Patidongan.





Comments