P15B dagdag-budget para sa titser, tutors at remedial classes — DepEd

ni Mervin Reyes @News | November 6, 2026

Photo: File / DepEd
Humihirit ang Department of Education (DepEd) ng mahigit P15 bilyong karagdagang pondo sa 2027 national budget upang mapalawak ang tutoring at iba pang programa para matulungan ang mga estudyanteng makahabol sa kanilang pag-aaral.
Inihayag ni Education Secretary Sonny Angara ang panawagan matapos ang kanyang pagbisita sa Iloilo City at Bacolod City nitong Miyerkules, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyang-prayoridad ang pagkatuto sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Kabilang sa mga programang ipinakita ang paglulunsad ng BIG BOOK materials para sa mga batang Kindergarten hanggang Grade 3, na nagtatampok ng mga prinsipyo ng circular economy upang isulong ang maagang pagkatuto.
Ayon kay Angara, bumaba sa 2.2 milyon ang bilang ng mga estudyanteng nahihirapan sa pag-aaral noong School Year 2025-2026, mula sa dating 6.7 milyon, kasunod ng pagpapatupad ng learning recovery initiatives.
Upang mapanatili ang pag-unlad, gagamitin ang hinihinging pondo para sa honoraria ng mga gurong may dagdag na teaching load, pagsasanay ng tutors, bayad sa external tutors, summer programs at konsultasyon para sa learning remediation.





Comments