P144.3M shabu nasabat, South African, huli sa NAIA
ni Lolet Abania | August 20, 2022

Nakakumpiska ang mga awtoridad ng P144.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Ninoy Aquino International Airport, Pasay City.
Sa isang statement, ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs Port of NAIA, at NAIA Inter-agency Anti-Illegal Drugs Task Group ay nakaharang nitong Biyernes ng tinatayang 21.215 kilograms ng hinihinalang shabu mula sa isang 60-anyos na South African passenger, na kalaunan ay kanilang inaresto.
Ang galaw ng suspek ay magkasanib na minonitor ng BOC, NAIA at PDEA gamit ang tinatawag na “advance intelligence information.”
Ayon sa mga awtoridad, dumating sa bansa ang naturang pasahero mula Doha, Qatar at ang South Africa ang kanyang port of origin.
Isinailalim naman ang foreigner sa custodial investigation ng PDEA.
Gayundin, isasailalim sa isang inquest proceeding ang nasabing traveler para sa paglabag sa Comprehensive Drug Act at Customs Modernization And Tariff Act.
Noong nakaraang linggo, ang BOC personnel sa NAIA ay nakasabat naman ng tatlong parcel ng umano’y illegal drugs na nagkakahalaga ng P14.7 milyon.





Comments