P112M halaga para sa repair ng mga iskul na hinagupit ni Karding – DepEd
ni Lolet Abania | September 27, 2022

Humigit-kumulang sa P112 milyon ang halaga ng pagsasaayos o repair ng mga napinsalang paaralan dahil sa Bagyong Karding, ayon sa Department of Education (DepEd).
Batay sa preliminary assessment ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), hanggang nitong alas-12:00 ng hapon ng Lunes, Setyembre 26, nasa tinatayang 20 paaralan ang nagtamo ng infrastructure damage dahil kay Karding.
Matatagpuan ang mga eskuwelahan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, National Capital Region (NCR), at Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon sa DepEd, may 12,174,549 estudyante sa 21,509 paaralan lahat-lahat ang apektado ng bagyo, kabilang din ang mga class suspensions.
Mayroon din anang ahensiya na 107 school divisions ang apektado sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, NCR, at CAR.
May kabuuang 327 paaralan naman ang ginamit bilang evacuation centers, kung saan 259 pa ang kasalukuyang tinutuluyan ng mga lumikas.
Base sa revised DepEd Order (DO) 37, na nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, ang mga paaralan ay maaaring gamitin bilang isang immediate evacuation site sa panahon ng kalamidad subalit hindi dapat na tumagal dito ng mahigit sa 15 araw.
Gayundin, may mandato sa mga local government units (LGUs) na hindi maaaring gamitin ang mga eskuwelahan bilang matagal na tirahan o long-term shelters para sa mga evacuees.





Comments