P10B pondo para sa mga bagong klasrum
- BULGAR
- Sep 2, 2023
- 1 min read
@Editorial | September 2, 2023
Hindi maitatanggi na hanggang ngayon ay problema pa rin ang kakulangan sa klasrum. Sa halip na madagdagan, minsan ay nababawasan pa dahil sa paghagupit ng mga bagyo.
Kaya magandang balita na inaprubahan na ng Department of Education ang konstruksyon sa 7,000 classrooms sa iba’t ibang bahagi ng bansa na labis na naapektuhan sa pananalasa ng mga nakaraang bagyo.
Napag-alaman na sa mga lugar na apektado ng bagyo, gumagamit ang mga estudyante ng makeshift classrooms na kailangan nang palitan ng mga standard na silid-aralan.
Mainam na may pondong P10 bilyon na nakapaloob sa Basic Education Facilities na nakalaan para sa pagtatayo ng mga bagong klasrum. Kasabay nito, tuloy din umano ang rehabilitasyon sa mga classroom na nawasak dahil sa pananalasa ng mga bagyo.
Sa ngayon, kabilang umano ang Bulacan sa mga lugar kung saan prayoridad na pagtayuan ng mga bagong silid-aralan, kasama na ang malalayong lugar, na malimit maapektuhan ng mga kalamidad, tulad ng mga bagyo at pagbaha.
Napakahalagang matutukan ang kalagayan ng mga klasrum at iba pang pasilidad sa mga paaralan dahil ito ang lugar kung saan masasabing mas epektibong mapapalawak ang edukasyon.
Kung may pondo naman na puwedeng gamitin, ilabas na at kung may budget pa, puwede namang dagdagan pa.
Hindi naman na bago ang problemang ito, sadyang medyo mabagal lang ang pagresolba dahil sa iba’t ibang rason.
Ngayong sisimulan na ang pagpapatayo ng mas maraming klasrum, umaasa tayo na magtutuluy-tuloy na ito hanggang sa maging kumportable na ang pag-aaral at pagtuturo sa lahat ng lugar sa bansa.



Comments