top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

P100M educational assistance, naipamahagi ng DSWD

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 4, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | September 4, 2022



Mahigit sa P100 milyon halaga na ang naibigay sa higit 42,000 benepisyaryo ng educational cash aid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ikatlong araw ng nakaiskedyul na distribusyon nito.


Gayunman batay sa ulat, sa kabila ng anunsiyo ng DSWD na ang mga walk-ins ay hindi na papayagan na makakuha ng cash aid, marami pa rin ang sumubok at dumagsa sa DSWD central office.


Sa DSWD data, ayon sa report hanggang alas-2:00 ng hapon nitong Sabado, umabot na sa mahigit P100 milyon ang naipamahagi sa higit 42,000 beneficiaries sa ngayon.


Sa Casiguran, Aurora, ilang senior citizens ang pumila para sa payout subalit pinauwi rin ang mga ito dahil wala silang maipakita na kumpirmadong iskedyul.


Habang ang ibang walk-in applicants ay pinipilit na nag-submit na umano sila ng mga dokumento sa online registration pero wala silang natatanggap na text confirmation.


Ilan din ang iginigiit na hindi umano nila mabuksan ang website, na ayon sa DSWD, ang nangyaring technical issue ay pansamantala lamang.


Samantala, nakansela ang cash distribution sa Batanes, Ilocos Sur, at Tanay, Rizal, dahil ito sa masamang panahon. Sinabi ng mga awtoridad na ipagpapatuloy na lamang nila ang distribusyon sa ibang araw.


Para sa mga walang mga gadgets o access sa online, ang DSWD ay magsasagawa naman ng isang off-site payout.


Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan na rin ang ahensiya sa mga local government units (LGUs) upang hanapin ang mga tinatawag na poorest of the poor para makapag-distribute sa mga ito ng education assistance, kung saan ongoing na rin sa Calabarozon, Mimaropa, at Western Visayas.


Ayon pa sa DSWD, minamadali na rin nila ang pamamahagi ng cash assistance habang anang ahensiya, ang online registration ay bukas hanggang Setyembre 25, 2022.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page