P100 K daw per joke… LONG, NAPAHALAKHAK SI PACQUIAO, BINIGYAN NG P1 M!
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | June 12, 2026

Photo: YT chadkinis & IG _mannypacquiao
Ibinahagi ng aktor-komedyante na si Long Mejia ang ilan sa kanyang hindi malilimutang karanasan kasama ang yumaong Comedy King na si Dolphy at boxing legend na si Manny Pacquiao sa panayam niya sa YouTube (YT) channel ng kapwa-komedyante na si Chad Kinis.
Ayon kay Long, si Dolphy ang isa sa mga taong nagbukas ng pinto para sa kanyang karera sa showbiz. Naalala niya ang unang pagkakataong sinubukan niyang makapasok sa Broadcast City upang mag-audition bilang extra sa isang programa.
Kuwento niya, una siyang hinarang ng guwardiya at hindi pinayagang makapasok sa studio dahil puno na umano ang mga talents. Gayunman, naghintay siya sa labas dahil nais niyang makita ang kanyang idolong si Dolphy.
Nang magkaroon siya ng pagkakataong makalapit sa Comedy King, agad niyang sinabi ang kanyang hangarin na makasama sa programa. Nagulat siya nang personal siyang inakbayan ni Dolphy at ipinakilala sa direktor.
“Direk, bigyan mo nga ng eksena ‘to,” sey umano ni Dolphy.
Mula noon ay nabigyan si Long ng pagkakataong makasama sa mga proyekto ni Dolphy, kabilang ang sitcom na Home Along Da Airport (HADA), kung saan naging sidekick siya ng Comedy King.
Ayon kay Long, isa sa mga dahilan kung bakit nananatiling espesyal sa kanya si Dolphy ay ang kababaang-loob at kabaitan nito sa lahat ng tao.
Bukod kay Dolphy, ibinahagi rin ni Long ang pagkakaibigan nila ni Manny Pacquiao.
Aniya, dumating sa punto na halos maituturing na siyang bahagi ng pamilya ng boxing champ dahil malaya siyang nakapapasok sa bahay at kuwarto nito.
Isinalaysay din ni Long na minsang maibenta niya ang sariling sasakyan upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng kanyang mga anak, tinulungan siya ni Manny, at adobong native na manok lang daw ang kapalit nito na niluto niya at dinala sa boxing champ.
Tanong ni Chad, “Ano ‘yung pinaka-unforgettable moment mo kay Manny Pacquiao? ‘Yung masasabi mong proud o embarrassing?”
Saad ni Long, “Hindi ko makakalimutan sa kanya talaga? Meron s’yang ginawa, totoo ‘to — na sa bawat tawa n’ya, may P100 thousand.”
Hirit na tanong ni Chad, “‘Pag napatawa mo s’ya, paano ang ginagawa mo?”
Saad ni Long, “Basta ‘di ngiti lang, kailangan, halakhak. ‘Pag napatawa mo s’ya, may isang daang libo. Eh, pinatawa ko nang sampung beses, kaya isang milyon!”
Dagdag na tanong ni Chad, “Ano’ng mga joke na ginamit mo ru’n?”
Saad ni Long, “Wala lang, mga kuwentu-kuwento lang. Basta ang sinusundot ko lang ay ‘yung matawa s’ya habang nagkukuwentuhan kami.”
Tanong ni Chad, “Ibinigay agad?”
Saad ni Long, “S’yempre, akala ko, biro lang. Pero kinabukasan, nu’ng pumasok ako sa bangko, ang bilis! Sabi ng teller, ‘Sir, kukunin n’yo ho ba lahat ‘to?’ Bukod du’n, binigyan pa ako ni Manny ng dollars galing Amerika. Ganyan kakapal, isang bundle! Pero nu’ng silipin ko, eto ang joke ru’n — puro one dollar pala!”
Well, happy for you, Long Mejia! Dahil mabuti kang ama, kaya siguro nagustuhan ka rin ng Pambansang Kamao.





Comments