P100 dagdag-sahod sa Metro Manila, hirit ng workers’ group
- BULGAR
- Dec 6, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | December 6, 2022

Isang grupo ng mga manggagawa ang naghain ng petisyon hinggil sa P100 dagdag sa daily minimum wage sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng mabilis na pagtaas ng inflation at patuloy na pagsirit ng mga presyo ng pangunahing bilihin.
Sa ulat nitong Lunes, inihain ng Kapatiran ng mga Unyon at Samahang Manggagawa (Kapatiran) ang kanilang petisyon na dagdag-sahod sa NCR wage board.
“Sa kwenta namin noong October, 7.2% inflation, nawalan ng P70 ang purchasing power sa Metro Manila. Dahil patuloy ang pagtaas ng presyo, 8.2% na ngayon ang inflation at hanggang sa susunod na taon, sa tingin namin angkop lang na makabawi ang manggagawa sa halagang P100,” saad ni Partido ng Manggagawa president Rene Magtubo.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, pag-aaralan ng wage board ang naturang petisyon, habang aniya, maraming factors na kailangang balansehin para sa pagre-review ng wage hike.
“Tingnan natin. Magpatuloy ang mga hanap-buhay, lumaki pa at ‘wag din namang kalimutan na may pangangailangan ang mga manggagawa. Kaya nga mayroong mga non-wage benefits na ginagawa ang pamahalaan eh. ‘Yung Kadiwa ng Pasko,” sabi ni Laguesma.
Tinanggap naman ng Employers Confederation Of The Philippines (ECOP) ang petisyon subalit anila, makikinabang lamang dito ang 10% ng mga manggagawa na kumikita ng minimum wage.
Sinabi pa ng ECOP, posibleng humantong ito sa layoffs, lalo na ng mga empleyado ng micro, small and medium enterprises (MSMEs), at maaaring makaapekto ng 90% ng mga manggagawa sa informal sector na hindi mga nakatatanggap ng minimum wage.
“In effect, you’ll benefit the 10% but it becomes a problem with the 90%. ‘Yung maliit eh para kang pumipiga sa bato. Dahil d’yan mga ‘yan, marami d’yan eh ayaw na magbukas pa pero sumusubok para lang kahit pa’no kumita,” paliwanag ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr.AJ





Comments