P10-B pondo na inipit ng DSWD, ipamigay!
- BULGAR

- Sep 26, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | September 26, 2020
Patuloy ang pamamahagi ng ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP) sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa ngayon, mahigit P83-bilyon na ang nailalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng naturang ayuda.
Sa kabilang banda, dismayado ang mga senador nang malamang mayroon pang P10-bilyong pondo ang DSWD para sa ayuda ang hindi pa naipamimigay.
Sa budget hearing sa Senado, idineklara ng DSWD bilang “savings” ang naturang pondo na naipon nang mabawasan ng apat na milyon ang mga nakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 cash aid dahil sa “double compensation”.
Dahil dito, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga senador at iminungkahing dapat pa rin itong ipamigay sa mga mahihirap na kababayan.
Giit ng mga mambabatas, ‘wag tipirin ang mga Pilipino kung may pera naman. Gayundin, libu-libong pamilya ang makikinabang dito kung maipamimigay nang tama at maiiwasan ang anomalya.
Gayunman, umaasa ang ibang senador na agad na kikilos ang DSWD para maipamahagi ang pondo sa mga nangangailangan.
Paliwanag ng DSWD, plano nilang gamitin ang naturang pondo bilang P15,000 livelihood assistance para sa mahigit 600,000 pamilya, habang hinihintay pa umano nilang aprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa totoo lang, may punto naman ang mga senador. Kung may pondo, bakit kailangang ipitin gayung nakikita natin na napakarami pa ring nagugutom at nawalan ng hanapbuhay?
Bagama’t hindi puwedeng forever umasa sa ayuda, dapat pa ring ibigay sa taumbayan ang perang inilaan para sa kanila. Ngunit sa pagkakataong ito, dapat nating tiyakin na karapat-dapat makatanggap ng ayuda ang magiging benepisaryo. Paraan na rin ito para hindi maulit ang anomalya o dayaan sa listahan ng mga makatatanggap.
Panawagan sa mga kinauukulan, galaw-galaw ho tayo. Milyun-milyong pamilya pa rin ang nagugutom at siguro naman, sapat na dahilan ito para ‘wag ipitin ang natitirang pondo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments