top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

P1.5 M pabuya sa makapagtuturo sa ‘Percy Lapid killer’

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 7, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | October 7, 2022


Umabot na sa P1.5 milyon ang reward money o pabuya para sa mabilis na pagresolba ng kaso sa pagpatay sa radio broadcaster na Percival Mabasa o kilala bilang Percy Lapid, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Biyernes.


Sa isang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na ang P1 milyong halaga ay mula sa negosyante at kaibigang abogado ni Lapid na si Alex Lopez.


Una nang nag-alok ng P500,000 pabuya si Abalos sa makapagtuturo suspek o magbibigay ng impormasyon sa pumaslang kay Lapid.


Matatandaang nasa loob ng kanyang sasakyan si Lapid nang lapitan ng riding-in-tandem bago barilin malapit sa kanyang bahay sa Las Piñas noong Lunes, Oktubre 3.


Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brigadier General Jonnel Estomo,


mayroon na silang isang person of interest sa pagpatay sa radio broadcaster, na na-capture sa CCTV cameras mula sa kahabaan ng mga dinaanang ruta ni Lapid bago siya barilin.


Anang pulisya, pinagsama-sama ng special investigation task group ang mga nakuha nilang CCTV at dashcam video, kung saan nahagip ang hinihinalang pumaslang kay Lapid.


“The Special Investigation Task Force Percy Lapid, with their ongoing follow-up investigation, confirmed to have developed a person of interest in the case as a result of their collection of all available backtrack CCTV footage along the victim’s routes before the incident happened,” pahayag ni Estomo sa naturang press briefing.


Ani Estomo, naka-pink ang indibidwal na nasa CCTV videos na nakitang naglalakad sa harap ng Las Piñas City Hall.


Nanawagan naman si Abalos sa publiko para matukoy ang itinuturing na person of interest na nakasuot ng t-shirt marking, kung saan nag-match sa indibidwal na nakaangkas sa motorsiklo at nakuhanan mula sa dash cam ng sasakyan ni Lapid.


Isa pang lalaki ang nakuhanan din sa naturang dash cam na nakaupo naman sa sidewalk bago ito pumasok ng Sta. Cecilia Village. Ito umano ang driver na naghihintay at sumakay sa motorsiklo nang makita ang sasakyan ni Lapid na dumaan, ayon pa sa pulisya.


Nagprisinta naman si Abalos ng isang enlarged printout ng person of interest, kung saan inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan nito.


Samantala, ayon pa sa NCRPO, binigyan na ng sapat na seguridad ang pamilya ni Lapid laban sa mga salarin ng biktima.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page