P1.4 B pondo para sa libreng sakay, mapagbibigyan kaya?
ni Ryan Sison - @Boses | July 14, 2022
Kakailanganin ng Department of Transportation (DOTr) ang karagdagang P1.4 bilyong pondo upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng libreng sakay para sa mga komyuter hanggang Disyembre 2022.
Paliwanag ni Transportation Secretary Jaime Bautista, mayroon lamang fixed budget ang libreng bus rides sa EDSA carousel, kaya’t kailangan umanong makipag-ugnayan ng ahensya sa Department of Budget and Management (DBM) para makahingi ng dagdag na pondo para rito.
Matatandaang nakatakdang magtapos sa Hulyo 31 ang libreng bus rides sa EDSA Carousel, ngunit inianunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palalawigin pa ito, gayundin ang libreng sakay para sa mga estudyante sa tatlong rail lines sa Metro Manila, kabilang ang LRT-2, MRT-3 at Philippine National Railways (PNR).
Sa ilalim ng naturang programa, umuupa ang pamaalaan ng mga bus para magbigay ng libreng sakay sa mga komyuter na bumabaybay sa EDSA.
Ito ang kinatatakutan natin — ang umabot sa punto na kapusin ang pondo ng gobyerno.
Ibig sabihin, sakripisyo ang ilang mga programa at ang ending, apektado ang mga nakikinabang at sa usaping ito, mga komyuter na naman ang tatamaan.
Matatandaang ikinatuwa ng maraming komyuter ang pagpapalawig ng Libreng Sakay Program dahil para sa kanila, malaking tulong ito dahil ang gagastusin sana sa pamasahe ay nailalaan sa iba pang gastusin.
Kaya ang tanong, kung hinmdi mapagbibigyan ang hiling na karagdagang pondo, ano’ng mangyayari sa ipinangako ng pamahalaan sa publiko?
Maganda ang layunin ng programa, ngunit kung mabibinbin lamang ang pangako, baka mas mabuting move on na tayo sa mas makatotohanang mga hakbang para talagang maibsan ang hirap ng mga komyuter. Siguro, awat na tayo sa mga pramis dahil hindi ito ang kailangan ng taumbayan.
Suhestiyon natin, gamitin ang pondo ng gobyerno sa mas makabuluhan at makatotohanang solusyon sa mga problema sa public transportation.
Kung tutuusin, kakayanin namang magbayad ng pamasahe ng mga komyuter kung hindi na uubra ang libreng sakay, pero bago ang lahat, hangad ng mga bumabiyahe ang maayos na sistema sa pampublikong transportasyon.
Kitang-kita ang hirap ng mga komyuter, kaya pakiusap sa mga kinauukulan, galaw-galaw ho tayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments