P1.3B educational aid, naipamahagi sa mga mahihirap na estudyante – DSWD
ni Lolet Abania | September 24, 2022

Umabot sa P1.3 bilyon mula sa P1.5 bilyong halaga ng alokasyon para sa educational assistance program sa mga mahihirap na mga estudyante ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isang radio interview ngayong Sabado, sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez na nakapagserbisyo ang ahensya sa 560,000 estudyante na lumampas pa sa kanilang target na 400,000.
Ngayong Sabado, Setyembre 24 ay ang huling araw ng distribusyon ng educational aid.
Una nang isinara ng DSWD ang online application para sa kanilang educational assistance program dahil ito sa malaking volume ng aplikasyon sa kabila ng limitadong badget.
Sa tanong kung magkakaroon ng extension o hindi ang pagbibigay ng cash aid, ayon kay Lopez depende ito kung may sapat na pondo para rito.
“Pero kung wala na, ikinalulungkot namin na hanggang doon na lang,” pahayag ni Lopez.
Ayon sa DSWD, hanggang tatlong estudyante kada mahihirap na pamilya ang makatatanggap ng cash aid na halagang P1,000 para sa elementary students, P2,000 para sa high school students, P3,000 para sa senior high school students, at P4,000 para sa tertiary students.





Comments