P1.365-B teaching supplies allowance, kasado na sa 2021 nat’l budget!
- BULGAR

- Dec 26, 2020
- 3 min read
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | December 26, 2020
Bago matapos ang buwang ito, inaasahang lalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2021 General Appropriations Act — ang batas na nagpasa sa P4.5 trilyong pambansang budget na pinaglaanan natin at ng ating mga kasamahang senador at magigiting na mambabatas ng hirap, pagod at puyat, masiguro lamang na walang anumang katiwalian o anomalyang papasok sa ating national budget at matiyak lamang na ito ay nakatuon sa kapakanan ng buong bansa at ng sambayanang Pilipino.
Malaking bahagi ng ating pambansang pondo ay nakalaan sa pagresolba sa iba’t ibang kalamidad, partikular sa COVID-19 pandemic.
Maging ang mga bagong likhang batas ay napag-ukulan din ng pondo sa ilalim ng naturang budget para sa 2021.
Sa pondong inilaan para sa COVID-19 response, kabilang d’yan ang pagbili sa bakuna, pagpapatuloy ng testing, contact tracing at paggamot sa mga kababayan nating tinamaan ng karamdamang ito.
Kasama sa mga bagong batas na tinutukoy natin ang Senate Bill 1520 o ang Medical Scholarship and Return Service Program o mas kilala bilang Doktor para sa Bayan Act. Pirma na lamang ng Pangulo ang hinihintay upang tuluyan na itong maging batas, pero sa ilalim ng 2021 budget, may kaukulan ng pondo ang pagpapatupad nito.
Layunin ng batas na madagdagan ang bilang ng mga doktor sa bansa, partikular sa malalayong lugar at probinsiya. Ito ang batas na magbibigay ng full scholarship sa mga estudyanteng kuwalipikado sa kursong medisina.
Sa ilalim din ng Doktor para sa Bayan Act, ipinanunukala rin natin ang pagtatatag ng medical school sa mga SUC (state universities and colleges) dahil isa ito sa mga hakbang upang maparami natin ang mga doktor.
Napaglaanan din ng P620 milyong pondo sa ilalim ng 4.5 trilyong 2021 national budget ang cancer assistance fund at cancer medicines for children ng Department of Health, alinsunod sa isinasaad ng RA 11215 o ang National Integrated Cancer Control Act.
Mayroon namang kabuuang P434.5 milyon na inilaan para sa maayos na implementasyon ng RA 11036 o ang Mental Health Act. Ang programa ay magkaagapay na pangangasiwaan ng DOH at ng Department of Social Welfare and Developpment (DSWD).
Kaukulang P3.225-B naman ang inilaan para sa maayos na pagpapatupad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa RA 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act. Layunin naman po nitong matiyak na mas mapapalawak pa ang coverage ng libreng wifi sa mga pampublikong lugar.
Base naman sa Senate Bill 1092, pinag-ukulan naman ng P1.365-B ang layuning mapataas ang teaching supplies allowance ng mga pampublikong guro. Mula sa umiiral na P3,500 teaching allowance sa kasalukuyan, tataas ito sa P5,000 sa susunod na taon.
Umaabot naman sa mahigit P4-B ang inilaan para sa implementasyon ng Philippine Identification System (RA 11055) o ang national ID system ng Philippine Statistics Authority. Kabilang pa ang dagdag na P2.5 bilyong pondo sa ilalim ng unprogrammed appropriations na nakalaan din sa naturang programa.
Para naman sa sangay ng hudikatura, kabuuang P295-M ang inilaan para maipatupad ang RA 11459 o ang Judges-at-Large Act, gayundin sa paglikha ng Judicial Marshal Service na hanggan ngayon ay nananatiling nakabimbin sa Mababang Kapulungan.
Kabilang din sa budget ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang P200-M innovation fund na kinakailangan ng ahensiya para makasunod sa mga rekesitos ng National Innovation Council.
May kaukulan namang P313.717-M at P25-M ang dalawang bagong ahensiya ng gobyerno na kinabibilangan ng Philippine Space Agency at ng National Commission of Senior Citizens, ayon sa pagkakausnod.
Kabuuang P729-M pondo naman ang matatanggap ng National Academy of Sports na nilikha sa ilalim ng RA 11470 na isinabatas nitong Hunyo 9, 2020. Magsisimula ang konstruksiyon ng nasabing ahensiya sa susunod na taon.
Ang naturang pondo ay pangangasiwaan ng Bases Conversion and Development Authority, habang P264.4-M din ang inilaan sa ilalim ng DepEd para mapondohan ng ahensiya ang iba pang requirements na may kinalaman sa pagtatatag ng naturang sports academy.
Ang Tulong Trabaho Act o ang RA 11230 ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay pinaglaanan din sa ilalim ng 2021 national budget ng P1.021-B para mas mapalawak ang training for work scholarships ng nasabing ahensiya.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments