P-Duterte, todo-tanggol sa kapalpakan ni Duque

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 19, 2020
SINO ANG MAKIKINABANG SA BAKUNANG SINOVAC, MGA PINOY O ANG CHINA?—Sa kabila na sobrang mahal at kulang pa sa final testing ang bakunang Sinovac na gawang China, tila ito na ang bakunang bibilhin ng Pilipinas para ipambakuna sa mga Pinoy.
Kapaki-pakinabang ba talaga sa mga Pinoy ang bakunang Sinovac o China lang ang may pakinabang kapag sa kanilang bansa bumili ng bakuna ang Pilipinas? Abangan!
◘◘◘
TODO-TANGGOL SI P-DUTERTE SA KAPALPAKAN NI SEC. DUQUE—Ipinagtanggol ni P-Duterte si Health Sec. Francisco Duque III sa mga batikos na natatamo nito dahil sa pagpapabaya kung kaya’t ang 10 million doses na bakunang gawang Amerika na Pfizer na nakalaan sa Pilipinas ay napunta o naibenta na sa ibang bansa kasi ang paniniwala ng Pangulo ay hindi naman nagpapabaya sa kanyang trabaho ang DOH secretary.
Lakas talaga ni Duque kay P-Duterte, mantakin ninyo, Pangulo ang nagmimistulang spokesman niya, boom!
◘◘◘
‘PINAS, LATE NA SA TRAVEL BAN SA CHINA, LATE RIN SA BILIHAN NG BAKUNA—Ang ibang bansa ay nagsasagawa na ngayon ng pagbakuna sa kanilang mamamayan at ang iba pang bansa ay nagbibilihan na ng bakuna, pero ang Pilipinas nasa punto pa lang ng pakikipagnegosasyon sa pagbili ng COVID-19 vaccines, na ayon kay COVID czar Carlito Galvez ay kapag nagkasundo na sa bilihan ay maaaring sa unang quarter ng 2021 ay maumpisahan na ang pagbakuna sa mga Pinoy.
Hay nako, palagi na lang late ang Pilipinas sa laban kontra COVID-19, nang manalasa na ang virus galing Wuhan ay late na nagpa-travel ban sa China ang Duterte gov’t. at ngayon pati sa bilihan ng bakuna, late pa rin, buwisit!
◘◘◘
IMBES NA SA PAGBILI NG BAKUNA ANG MAGPOKUS, SA INTEL FUND AT PORK BARREL NAG-POKUS ANG GOBYERNO—Kaya rin sana ng Pilipinas na makipagsabayan sa ibang bansa sa pagbili ng COVID-19 vaccines, kaya lang ang problema, hindi dito nagpokus ang Malacañang at Kongreso.
Ang pinagpokusan ng gobyerno ay ang bilyun-bilyong intel fund na mapupunta sa Office of the President at bilyun-bilyong pork barrel na pagpaparte-partehan ng mga kongresista, pwe!





Comments