P-Duterte, puro ‘jokes’ tungkol sa COVID kasi maliit na bagay lang?!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 18, 2021
SA IBANG BANSA, BAKUNA NA ANG PANLABAN SA VIRUS PERO SA ‘PINAS FACE MASK PA RIN—Dahil sa pagdami na naman ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa ay ipinag-utos ni P-Duterte na magbigay ng libreng face mask sa mamamayan.
May katotohanan talaga ang datos ng Asian Studies Center na kulelat ang Pilipinas sa pagtugon sa pandemyang COVID-19 kasi ang ibang bansa ay nakabili na ng bakuna kontra COVID-19 sa kanilang mamamayan, tapos sa Pilipinas, donasyong bakuna pa lang ang dumating at dahil kapos pa nga ay face mask muna ang panlaban ng mga Pinoy na hindi pa natuturukan ng COVID-19 vaccines, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
KAYA PALA HINAHALUAN NG JOKE ANG MEETING SA IATF KASI MALIIT NA BAGAY LANG KAY P-DUTERTE ANG COVID-19—Para kay P-Duterte, maliit na bagay lang ang dulot ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Kaya naman pala madalas haluan ng ‘joke’ ni P-Duterte ang kanilang IATF (Inter-Agency Task Force), tulad nang sabihin niyang kunan ng dugo ang namatay sa coronavirus, iturok sa kabayo at kunin ang anti-bodies ng kabayo saka iturok sa taong may virus, at ang paggamit ng face mask na ibinabad sa gasolina kasi para sa pangulo, maliit na bagay lang ang pananalasa ng COVID-19 sa Pilipinas, boom!
◘◘◘
NAGPA-PANIC NA NGA ANG MGA PINOY SA DAMI NA NAMAN NG NAGKAKA-VIRUS, PAMUMULITIKA PA RIN ANG INAATUPAG NG MGA TAGA-MALACAÑANG—Habang parami nang parami na naman ang mga nagkaka-virus sa Pilipinas ay humarap sa publiko si Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at hinamon ang oposisyon na ilaban daw ang pambato nila sa 2022 presidential election na kesyo wala naman itong panalo, at pagkaraan niyan ay umarangkada ang “Run Sara Run” na humihimok kay Mayor Sara Duterte-Carpio na kumandidato sa pagka-pangulo.
‘Yan ang malungkot na katotohanan, nagpa-panic na nga ang mga Pinoy sa dami ng mga tinatamaan ng virus, pero ang isang opisyal ng Malacañang at mga tagasuporta ng pamilyang Duterte ay pamumulitika ang inaatupag, mga buwisit!
◘◘◘
KALIWA’T KANAN ANG KORUPSIYON SA GITNA NG PANDEMYA—Ibinulgar ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na may sindikato raw sa Department of Agriculture (DA) na kumikita ng bilyones sa pag-aangkat ng mga karne sa ibang bansa kaya ubod ng mahal ang presyo nito sa merkado.
Hay naku, ‘anyare sa Pilipinas kasi sa gitna ng pandemya, kaliwa’t kanan ang korupsiyon kasi may sindikato sa PhilHealth na kumurakot sa pera ng mga PhilHealth members, tapos ngayon ay may sindikato rin sa DA na nagkakamal ng bilyones na nagdulot kaya sobrang mahal ang presyo ng mga karne sa mga pamilihan, buwisit!





Comments