top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

P-Duterte, labas kuno sa bangayan nina Cayetano at Velasco, ngek!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 4, 2020
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 4, 2020


“Stay out tayo riyan. No comment tayo riyan. That’s purely an internal affair of the House of Representatives.”


Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nagaganap na alitan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco. Ang nais umano ng ilang mambabatas ay huwag palitan si Cayetano bilang speaker at tapusin na lang ang terminong tatlong taon.


Ngunit pinalagan ito ni Velasco, at sinabing dapat respetuhin ang naging kasunduan. Minabuti nilang magtungo sa Palasyo at muling hingin ang pasya at basbas ng Pangulo, tulad nang naganap noong isang taon.


Sa nasabing pagpupulong, nagkasagutan o nagsiraan ang dalawa hinggil sa panahon nila sa Kamara. Kung ang mga balita ay paniniwalaan, nakiusap ang Pangulo kay Velasco na sa Disyembre na lang magpalitan dahil tinatalakay pa ang budget para sa susunod na taon, ngunit hindi pumayag si Velasco kaya sa Oktubre 14 ay magpapalitan na ng puwesto.


Samantala, ayon kay Cayetano, “fake news” ito. May drama pa sa mababang kapulungan nang mag-speech si Cayetano na magbitiw na bilang speaker, pero bumoto ang mga mambabatas para tanggihan ito.


Sa tingin natin ay ipinakita lang ni Cayetano kung gaano karami ang mga mambatas na kaalyado niya, kaya hindi pa natin alam ang magaganap sa Oktubre 14 kung magpapalitan. Baka kumilos ang mga kaalyado niya para pigilin ito.


Nagsasalita na si Cayetano na hindi mananalo si Velasco sa halalan para sa Speaker of the House. Kung bumaba raw siya bilang speaker, hindi raw magtatagal si Velasco at makukudeta. Wow! Hindi natin alam kung gaano karami ang kaalyado ni Velasco ngayon na baka nagbago na mula nang magkasunduan noong isang taon. Ibang klase, ang kapangyarihan nga naman—napakahirap bitawan!


Pero sino ang maniniwala na walang pakialam ang Palasyo sa Kamara kung sa Pangulo sila humihingi ng basbas para sa mga gagawing pagkilos? Eh, puwede namang sila-sila ang mag-usap. Kailangan ba talagang pumagitna ang pangulo, at doon napag-usapan ang term-sharing na 15-21 na buwan? Ngayong nagbago na ang ihip ng hangin sa Kamara, at sa Pangulo sila muling nagtungo, sasabihin lang nito na labas tayo riyan?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page