P-Digong, todo-astang abogado sa mga sangkot sa PPEs scam, buwisit!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 30, 2021
POKUS SI P-DUTERTE SA PAG-AABOGADO KINA LAO, MICHAEL YANG AT SA PHARMALLY—Pumalo na sa 37,686 ang mga Pilipinong namatay sa COVID-19 at dahil dito, ayon sa data ng Worldometer Statistic ay pasok na sa Top 20 ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming namamatay sa COVID-19.
Sa dami ng bilang na ‘yan, dapat ang “talk to the people” ni P-Duterte kapag may IATF (Inter-Agency Task Force) Against COVID-19 sa Malacañang ay mga diskarteng gagawin ng pamahalaan para hindi na madagdagan ang mga namamatay sa virus, kaya lang ang problema, mas pokus ang pangulo sa pag-aabogado at pagtatanggol sa mga sangkot sa multi-billion peso medical supplies scam na sina former Usec. Christopher Lloyd Lao ng PS-DBM (Procurement Service-Dept. of Budget and Management), Pharmally Corp. na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan sa kasong fraud at Yang Hong Mong, aka Michael Yang, buwisit!
◘◘◘
P-DUTERTE, SUPALPAL ANG INABOT KASI HINDI PALA SENADOR ANG KUMUHA NG KONTRATISTA SA PAGGAWA NG SENATE BLDG., KUNDI DPWH—Pilit na hinahanapan ng butas ni P-Duterte para siraan sa publiko ang mga senador na nag-iimbestiga sa multi-billion peso medical supplies scam ng Duterte gov’t. at Pharmally.
May bahid ng pang-iintriga kasing tinanong ni P-Duterte ang mga senador kung bakit ang kinuhang kontratista ng mga ito sa paggawa ng Senate building ay ang kontraktor na sangkot sa Makati City building scam, pero supalpal ang inabot ng pangulo kasi agad sumagot sina Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto at Sen. Panfilo “Ping” Lacson na hindi sila ang dapat tanungin, kundi ang mga tauhan ng pangulo sa Department of Public Works and Highways dahil ito ang kumontrata at hindi ang mga senador, boom!
◘◘◘
TANONG NI VP LENI NA HANGGANG NGAYON AY HINDI MASAGOT NI P-DUTERTE—Ngayong nasagot na ng mga senador ang tanong ni P-Duterte, dapat sagutin na rin ng pangulo ang tanong sa kanya ni Vice-Pres. Leni Robredo.
Tinanong ni VP Leni si P-Duterte kung bakit ang kanyang administrasyon ay nakikipag-deal gamit ang pera ng bayan sa mga wanted sa Taiwan.
Ang tanong ni VP Leni ay hanggang ngayon hindi masagot ng pangulo, period!





Comments