P-Digong, tablado kay Migs Zubiri
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 3, 2022
P-DUTERTE, TABLADO NA KAY INCOMING SENATE PRES. MIGS ZUBIRI–Matapos ma-postpone ang pagkumpirma ng Commission on Appointments (CA) kina Commission on Elections (Comelec) Chairman Saidamen Pangarungan, Comelec Commissioners George Garcia at Aimee Torrefranca-Neri Commission on Audit (COA) Chairperson Rizalina Justol, at Civil Service Commission (CSC) Chairman Karlo Nograles na pawang appointee ni P-Duterte, sinabi ni incoming Senate President Migs Zubiri na dapat sa mga posisyong ito ay si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ang magtalaga.
Ibang klase rin si Zubiri, noon palaging aprub sa kanya ang mga itinatalaga ni P-Duterte sa mga posisyon sa pamahalaan, pero ngayon, porke halos isang buwan na lang sa Palasyo ang pangulo ay tinatabla na niya ito, boom!
◘◘◘
DAPAT PUMIRMA SA COMMITTEE REPORT ANG MGA SENADOR PARA MAKASUHAN NA ANG MGA SANGKOT SA PS-DBM-PHARMALLY SCAM–Ibinulgar ni outgoing Sen. Richard Gordon na may mga kasamahan umano siyang senador na ayaw pumirma sa committee report para masampahan ng kasong plunder ang mga sangkot sa Procurement Service-Dept. of Budget and Management (PS-DBM)-Pharmally multi-billion peso scam.
Malinaw naman sa pagdinig sa Senado na may anomalyang naganap sa kontratang pinasok ng PS-DBM sa Pharmally, pero itong mga senador na inihalal ng taumbayan, ayaw pumirma sa komite report para masampahan na ng kasong plunder ang mga nanamantala sa kaban ng bayan, buwisit!
◘◘◘
MAY PUNTO NAMAN SI GORDON NA ISAMA SA DAPAT KASUHAN NG PLUNDER SI P-DUTERTE–Ang palusot ng ilang senador na kaya hindi sila pumirma sa committee report ay dahil kasama sa pinakakasuhan ng plunder ni Gordon ay si P-Duterte.
May punto naman si Gordon na isama sa dapat kasuhan si P-Duterte kasi bukod sa inamin ng pangulo na siya ang nag-utos kay Health Sec. Francisco Duque III na ibigay ang bilyun-bilyong piso sa PS-DBM at makipag-kontrata sa Pharmally, nagmimistulang abogado pa ang pangulo sa pagtatatanggol niya sa mga sangkot sa multi-billion peso scam, period!





Comments