top of page
Search
  • BULGAR

P-Digong, mamimigay ng saku-sakong pera sa mga pulitiko habang maraming nagugutom dahil sa pandemya

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 19, 2021


KUNG TOTOONG MAMIMIGAY NG SAKU-SAKONG PERA SI P-DUTERTE, SAAN ITO GAGAMITIN?—Sa talumpati ni P-Duterte sa harap ng mga pulitikong bagong miyembro ng PDP-Laban ay sinabi niyang mamimigay siya ng tig-isang sakong pera sa mga ito para matiyak umano ang panalo ng kanyang mga kapartido sa darating na 2022 elections.


Kung ang sinabing ito ni P-Duterte ay totoo, saan kaya gagamitin ng mga pulitikong kasapi ng PDP-Laban ang saku-sakong pera? Abangan!


◘◘◘


SAKU-SAKONG PERANG IPAMIMIGAY NI P-DUTERTE SA MGA PULITIKO, JOKE BA O TRUE?—Sa social media ay todo-tanggol ang mga DDS sa sinabing ito ni P-Duterte, na joke lang ng pangulo na mamimigay ito ng saku-sakong pera sa mga kandidato ng PDP-Laban, pero ayon naman sa mga netizens, maaaring may katotohanan ito dahil P4.5 bilyon ang intelligence fund ng pangulo, bukod pa sa higit P28-B pondo ng NTF-ELCAC (National Task Force-End Local Communist Armed Conflict) na pinagdududahan ng mga senador na posibleng gamitin ng Duterte administration sa pamumulitika.


Kaya pinagdudahan ng mga senador na gagamitin sa eleksiyon ang pondo ng NTF-ELCAC ay dahil Malacañang na rin ang nagsabi, na may bahagi sa P28-B ang ipamimigay sa mga barangay officials para sa development ng kanilang mga barangay.


Kalakaran na kasi sa kada eleksiyon sa Pilipinas, na mga barangay officials ang nilalapitan ng mga kandidato para manalo sila sa mga barangay, period!


◘◘◘


DAMING NAGHIHKAHOS NA MAMAMAYAN ANG HINDI NABIBIGYAN NG TULONG, TAPOS ‘YUNG MGA PULITIKO AY MAY SAKO-SAKONG PERA—Sa totoo lang, hindi maganda sa pandinig ng mga naghihikahos na mamamayan sa gitna ng pandemya ang sinabi ni P-Duterte na mamimigay siya ng saku-sakong pera sa kanyang mga kandidato para matiyak ang kanilang panalo.


Bad talaga sa pandinig ‘yan kasi ang daming nagugutom sa panahon ng krisis na dulot ng pandemya, ang hindi nabibigyan ng tulong ng gobyerno, tapos ang mga pulitikong kasapi ng PDP-Laban bibigyan ng presidente ng saku-sakong pera, buwisit!


◘◘◘


BAD JOKE ANG SINABI NI P-DUTERTE NA MAMIMIGAY SIYA NG SAKU-SAKONG PERA SA MGA PULITIKO—Kung joke man ang sinabi ni P-Duterte na mamimigay siya ng saku-sakong pera sa kanyang mga kandidato ay masamang biro ‘yan.


Kapag nagpapairal kasi ng lockdown ang pamahalaan, ang dalas sabihin ni P-Duterte na wala nang pera ang gobyerno kaya tipid na tipid ang ibinibigay na ayuda sa mamamayan, P1-K lang kada isang Pinoy na panggastos sa loob ng dalawang linggo, tapos pagdating sa mga pulitikong member ng PDP-Laban, sako-sakong pera, tsk-tsk-tsk!




0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page