P-Digong, dapat magtalaga sa IATF ng mga gov’t. officials na may puso sa mahihirap
- BULGAR

- Feb 5, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 5, 2021
MAS INUNA PANG BIGYAN NG PAGKAKAKITAAN ANG MGA GAMBLING LORDS KAYSA SA MGA TSUPER—Pautay-utay ang ginagawang pagpapahintulot ng IATF (Inter-Agency Task Force) sa biyahe sa mga ruta ng mga pampasaherong jeep sa katuwirang baka magkahawaan ng COVID-19 ang mga pasahero at dahil d’yan, karamihan sa mga tsuper na hindi pa makapamasada ay namamalimos na lang sa kalsada.
Pero ang masaklap, ang iba’t ibang uri ng mga pasugalan ng mga gambling lords ay inaprub na ng gobyerno na mag-operate.
‘Yan ang malungkot na katotohanan, tila mas inuna pa ng IATF na bigyan ng pagkakakitaan ang mga gambling lords kaysa sa mga tsuper ng jeep, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
DAPAT MAGTALAGA SI P-DUTERTE SA IATF NG MGA GOV’T. OFFICIAL NA MAY PUSO SA MAHIHIRAP—Dapat italaga rin ni P-Duterte na maging miyembro ng IATF ang mga namumuno sa PCUP (Presidential Commission on Urban Poor) at Anti-Poverty Commission (APC) para magkaroon ng representante ang mahihirap sa task force.
Para kasing walang puso sa mahihirap ang mga kasalukuyang opisyal ng IATF dahil nakikita na nga nila sa kalsada, telebisyon at social media ang mga namamalimos na tsuper, eh, dedma lang sila, period!
◘◘◘
DATI NASA CAVITE AT RIZAL LANG ANG “PERYA NG BAYAN”, NGAYON TAWID-DAGAT NA, MERON NA RIN SA AKLAN—Ang “Perya ng Bayan” ay nagtawid-dagat na.
Dati ay sa jurisdiction lang nina Cavite Gov. Jonvic Remulla at Rizal Gov, Rebecca Ynares nag-o-operate ang “Perya ng Bayan” ng Chinese na si “Mr. Yap” at “Manalac”, pero ngayon daw ay may ganito na rin sa jurisdiction ni Gov. Florencio Miraflores sa Aklan.
Ang dalas magpaalala ang tatlong gobernador sa kanilang mga kababayan na magpairal ng social distancing para iwas-virus, pero hinayaan naman ang mga kubrador sa kanilang nasasakupan na magbahay-bahay para himukin ang mga residente na tumaya sa sugal na ito, mga buwisit!
◘◘◘
MGA GOBERNADOR, “NGANGA” SA PERYA NG BAYAN AT JUETENG!—Kung sa jurisdiction nina Gov. Remulla, Gov, Ynares at Gov. Miraflores ay “Perya ng Bayan”, ang namamayagpag naman sa teritoryo nina Laguna Gov. Ramil Hernandez at Batangas Hermilando Mandanas ay jueteng.
Lantaran na rin daw kasi ngayon ang raket na jueteng nina “Ivora”, “Toce” at “Alvarez” sa Laguna at “Cesar” at “Biskotso” sa Batangas.
Sa mga ganitong uri ng pasugalan na hindi maiiwasang magkaroon ng close contact ang kubrador at mananaya ay asahan nang imbes na mawala o mabawasan ay lalo pang darami ang mga tatamaan ng COVID-19 sa ‘Pinas, boom!





Comments