P-BBM, natapos na ang COVID-19 isolation
ni Lolet Abania | July 15, 2022

Nakumpleto na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang isolation period matapos na tamaan ng COVID-19, ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ngayong Biyernes.
“Ok na po as of his doctor’s findings yesterday. Tapos na rin po ang isolation niya,” pahayag ni Cruz-Angeles sa mga reporters nang tanungin tungkol sa health condition ni Pangulong Marcos.
Hindi naman sinabi ni Angeles kung magkakaroon ang Chief Executive ng anumang face-to-face engagements ngayong araw.
Matatandaan na nagpositibo sa test si Pangulong Marcos sa COVID-19 noong Hulyo 8.
Gayunman, pinangunahan pa rin ng Pangulo ang ikalawang Cabinet meeting noong Martes sa pamamagitan ng videoconferencing.
Nagkaroon din siya ng virtual meetings sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at ng National Economic and Development Authority (NEDA).





Comments