P-BBM, namigay ng P200K sa mga natatanging OFW sa event ng Go Negosyo
- BULGAR
- Dec 8, 2022
- 3 min read
ni Fely Ng - @Bulgarific | December 8, 2022

Hello, Bulgarians! Ginawaran ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng P200,000 ang bawat isa sa siyam na outstanding OFWs sa event ng Go Negosyo na KABAYAN 2022. Ginanap ito noong Disyembre 3 sa SM Mall of Asia sa Pasay City sa ika-17 na anibersaryo ng Go Negosyo.
Ang premyo ay inihayag ni First Lady Liza Araneta Marcos, na ikinatuwa ng siyam na awardees. Sila ay pinili ng Go Negosyo para sa pagbibigay-inspirasyon sa mga kapwa OFW, para sa matagumpay na pagsusumikap bilang entrepreneur at para sa paggamit ng social media upang maging mga influencer sa overseas Filipino community.
Ang cash award ay karagdagan sa kabuuang Php2.5 milyon na halaga ng cash at premyo na ibinigay sa mga masuwerteng dumalo sa KABAYAN 2022, sa tulong ng Go Negosyo at mga
partners nito. “Nagpapasalamat kami sa Pangulo at sa Unang Ginang sa kanilang walang patid
na suporta sa mga OFWs at MSMEs,” ani Go Negosyo founder Joey Concepcion. “Sa loob ng 17-taon na itinaguyod namin ang entrepreneurship sa Pilipinas, marami sa mga MSME na aming natulungan ay business ng mga OFW na nangarap ng mas magandang buhay para sa kanilang mga pamilya,” aniya. “Ang mga OFWs at MSMEs ang siyang tutulong sa paggabay sa ating ekonomiya, at ang digitalization ay magagamit nila sa pagpapaunlad ng kani-kanilang negosyo”, dagdag ni Concepcion.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang mensahe na ang pagtulong sa mga OFW na maging negosyante ay magiging daan para sa higit na kaunlaran. “We hope that, through entrepreneurship, our OFWs will now have the option to come home for good, with the ultimate goal of making working abroad a choice rather than a necessity,” sabi ng Pangulo sa kanyang mensahe, na inihatid ni DTI Sec. Alfredo Pascual. Sinabi rin ng Pangulo na ang gobyerno ay patuloy na magsisikap para matiyak ang kapakanan at kagalingan ng mga OFWs. Bukod dito, ang pamahalaan ay magsisikap para makalahok ang mga OFWs sa pag-unlad ng Pilipinas bilang mga negosyante. “We will open up more and better opportunities for you at home so that you can help us in writing a new and vibrant chapter for our great nation,” aniya.
Ang buong araw na entrepreneurship forum at mentoring event ay inorganisa para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya. Mahigit isang libong OFW at
kanilang kaanak dumalo sa KABAYAN 2022. Dumalo rin ang sikat na vlogger na si Small
Laude, kasama ang mga content creator at social media influencers na sina Macoy Dubs, Lovely Abella-Mabalo, Berto Berioso, Ana Coting at Christian Antolin. Iba pang egosyanteng gumagamit na ng social media upang itayo ang kanilang negosyo ay nagbahagi ng mga tip; kabilang sina Neri Miranda, Zarah Juan, Malou Prado, Jeffrey Guansing, at Jacqueline Yuentian Gutierrez, kasama ang mga matagumpay na babaeng CEO na sina Rebecca Bustamante at Glenda dela Cruz.
Dumalo rin ang mga matataas na opisyal ng gobyerno sa naturang kaganapan, kabilang sina DTI Sec. Alfredo Pascual, Dept. of Migrant Workers Sec. Susan Ople, at Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano. Ang mga pinuno mula sa Philippine Franchise Association, Philippine Retailers Association, CARD-MRI, at MSME lending specialist na Esquire Financing ay lumahok din sa forum tungkol sa mga 3M’s ng matagumpay na pagnenegosyo: money, markets, at mentorship.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.





Comments