P-BBM, iwas na iwas sa isyu ng confi funds, bakit kaya???
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 20, 2023
BAKA PROMISE NG JAPAN NA MAG-INVEST SA ‘PINAS, MAPAKO NA NAMAN! -- Noong February 8, 2023 ay bumisita si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa Japan, at sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, February 12, 2023 ay ibinida niyang nangako raw ang mga Japanese investors na mag-i-invest ng $13 billion sa bansa, kaya lang makalipas ang mahigit siyam na buwan ay napako ang promise ng Japan, dahil walang Japanese investors na nagtayo ng negosyo sa ‘Pinas.
Nitong nakalipas na Dec. 15, 2023 ay muling bumalik sa Japan si P-BBM, at pagbalik niya sa ‘Pinas nitong nakalipas na Dec. 18, 2023, muli ay nagbida na naman ang Presidente na nangako ulit daw ang Japan na mag-i-invest ng $14 billion sa bansa.
Kapag ‘yang promise na investment ng Japan ay hindi na naman natupad, isa lang ibig sabihin n’yan, “inuunggoy” lang ng mga Japanese investors si P-BBM, boom!
XXX
SANGKATERBANG TRAPO MAGLULUNDAGAN SA PARTIDO NG MAG-AMANG MARCOS -- Sa national assembly ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) nitong nakalipas na Dec. 14 2023, itinalaga si presidential son, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos bilang national vice chairman ng partidong ito (PFP) na pinamumunuan ng kanyang amang si P-BBM.
Dahil d’yan, asahan nang maglulundagan at sasapi sa partidong ito ng mag-amang Marcos ang sangkaterbang trapo (traditional politicians), abangan!
XXX
IWAS NA IWAS SI P-BBM NA MAPAG-USAPAN ANG CONFI FUND KASI BAKA MATANONG SIYA SA KANYANG P4.5 B CONFIDENTIAL FUND -- Nang matanong si P-BBM tungkol sa tinanggal na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Office of the Dept. of Education (DepEd) secretary ay matipid ang sagot ng Presidente, na kesyo tapos na raw ang tungkol sa isyung ito.
Iwas na iwas si P-BBM na mapag-usapan ang confidential fund kasi baka matanong siya ng media kung saan niya gagastahin ang nakakalula niyang P4.5 billion confi fund, boom!
XXX
SIBAKIN SA PUWESTO ANG MGA DISTRICT COLLECTOR NG CUSTOMS NA KINAPOS SA TAX COLLECTION -- Bago matapos ang year 2023 ay may mga district collector sa Customs ang nakalikom ng target nilang tax collection, at may mga district collector naman na kapos ang koleksyon sa buwis.
Dapat sibakin ni Comm. Bienvenido Rubio ang mga district collector na kinapos sa koleksyon sa buwis, dahil lumalabas na hindi sila karapat-dapat sa puwestong district collector, period!





Comments